
MAY nakikitang liwanag ang nagmamahal na pamilya nang pinaslang na negosyanteng si Antonio P. Antonio na kilala sa bansag na “Apa” at “Ton-Ton” ng kanyang malalapit na kaibigan dahil nakatakdang ilabas ng hukuman ang desisyon matapos ang 10 taon.
Kinumpirma ito ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng pamilya ni Antonio, na tiwala ang pamilya nang huli lalo na ang anak nitong si Xialen na makakamit na nila ang katarungang hinahanap sa pagkamatay ng magulang.
Sinabi ni Topacio na tumagal ng hanggang isang dekada ang paglilitis sa kaso nang pagpatay kay Antonio dahil sa iba’t ibang kadahilanan, kabilang na rito ang ginawang pag-i-inhibit ng dalawang naunang hukom na nagsagawa nang paglilitis, pati na ang pagsusumite ng pleadings, hanggang sa mapunta ito sa sala ni Judge Chavez Ramos.
Sinabi ni Xialen, anak na babae ni Antonio, habang ginugunita ang malagim na pangyayari sa kanyang ama na nagpapasalamat sila dahil sap ag-usad ng kaso na matagal-tagal din nilang ipinaglalaban.
Naghihintay ang pamilya sa promulgasyon kasabay nang pag-asang papabor sa kanilang ipinaglalaban ang magiging hatol ng hukuman. Humihiling din sila ng panalangin sa mga kaanak, kaibigan at nakakakilala sa kanilang ama upang maigawad ang patas na hustisya sa pagpaslang sa kanilang padre-de-pamilya.
Batay sa record ng korte, araw ng Miyerkules noong September 11, 2013 nang pagbabarilin ng anim na ulit ang kilalang negosyante sa loob ng kanilang tirahan sa BF Executive Homes sa Paranaque City na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Itinuro ng mga testigo si Nelson, 49, anak ng biktima, na siyang gumawa ng krimen. Base sa imbestigasyon ng pulisya, ang pagbabanta umano ng biktima sa kanyang anak na hindi mapagkakalooban ng mana ang isa sa motibo at lumabas din sa ulat na sangkot sa pagnanakaw sa loob ng kanilang bahay ang akusado na dahilan nang mainitang pagtatalo na humantong sa pamamaril.
Nang isampa ang kaso sa Paranaque RTC, naglabas ng warrant of arrest ang hukuman laban kay Nelson para sa kasong parricide na walang itinakdang piyansa. Gayunman, bago pa mailabas ng arrest warrant, nakaalis na ng bansa noong Disyembre 2013 ang akusado patungong Singapore hanggang sa madakip noong Pebrero 16, 2018 sa United Arab Emirates at naibalik sa bansa noong Abril 30, 2018.
Nabatid na nakatulong sa pagkadakip sa akusado ang dating programa ni Gus Abelgas na S.O.C.O. dahil matapos mapanood ng isang OFW ang nasabing programa, agad na ipinagbigay alam sa awtoridad ang kinaroroonan ni Nelson.
Noong nabubuhay pa si Apa, matagumpay siya sa mundo ng negosyo at nagsilbi bilang director at pangulo ng United BF Homeowners Association, Inc.