MANILA, Philippines- Ipinaalala ng Commission on Elections (Comelec) na ang pamamahagi ng anumang may halaga tulad ng t-shirts, fans, caps, at ballers para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ay maaaring ituring na vote-buying o vote- selling .
Sa public briefing, sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na ang maximum size para sa posters at tarpaulins ay 2×3 feet; 8.5×14 inches para sa leaflets at fliers; at 3×8 feet para sa banners at streamers.
“Any other kind of campaign paraphernalia katulad ng t-shirts, ball caps, baller bands, at iba pa… ‘yan po kasi ay maaaring ma-consider, dahil may halaga ito, na isang pamamaraan ng pamimili ng boto,” ani Laudiangco.
Sa isang memorandum na naunang inilabas ng Comelec ay sinabi rin nito na ang “pamamahagi ng mga campaign materials na naglalaman ng pangalan, imahe, logo, tatak, insignia, color motif, initials, at iba pang simbolo o graphic na representasyon na may kakayahang maiugnay sa isang kandidato o partido, at eksklusibong nilayon upang makuha ang atensyon ng publiko o isang bahagi nito upang isulong o tutulan, direkta o hindi direkta, ang halalan ng isang kandidato sa isang pampublikong opisina ay ipinagbabawal.”
Sinabi ni Laudiangco na dapat humingi ng special permit sa Comelec kung nais ng mga kandidato na gumamit ng campaign materials na hindi pinapayagan sa ilalim ng batas.
Aniya, maituturing ito na pamimili ng boto dahil ang mga bagay na nabanggit ay may halaga kung mamimigay nang walang pahintulot sa 10 araw na pangangampanya.
Itinuturing ang vote-buying at vote-selling bilang election offenses sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code .
Ang sinumang taong mapatunayang nagkasala ay dapat parusahan ng pagkakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon.
Gayundin, ang mga mapapatunayang nagkasala ay pagbabawalan na humawak ng pangkalahatang tungkulin, at sinumang partidong pampulitika na mapatunayang nagkasala sa pagbili ng boto ay pagmumultahin.
Nauna nang lumikha ang Comelec ng isang pormal na komite na naatasang makipag-ugnayan sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas para tugunan ang pagbili ng boto at pagbebenta ng boto sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden