MANILA, Philippines- Sinabi ni Pamplona, Negros Oriental Mayor Janice Degamo nitong Miyerkules na posibleng mas maraming suspect-witnesses sa pagpatay sa kanyang asawa na si Negros Oriental Governor Roel Degamo, ang bumawi sa kanilang testimonya.
“Actually, puwede pa ring mangyari ‘yan,” aniya sa isang panayam. “Talagang powerful ang money. Makapangyarihan ‘yung pera.”
Apat na suspek na ang bumawi ng kanilang pahayag hinggil sa nalalaman sa pagpatay at pagdiin kay Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. at kanyang dating bodyguard na si Marvin Miranda sa krimen.
Mariing itinatanggi ni Teves, na nasa ibang bansa, ang pagkakasangkot sa pagpatay. Sa kabila ng posibleng parusa mula sa Kamara, ayaw pa rin niyang umuwi sa Pilipinas, dahil umano sa mga banta sa kanyang buhay.
Samantala, sa kabila ng pagbawi ng mga testimonya, inihayag ni Mayor Degamo na patuloy siyang umaasa na magkakaroon ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang asawa at siyam pa, at maibabalik ang kapayapaan at kaayusan sa Negros Oriental.
“Ang dami ring kaso na nag-recant ang mga witnesses o suspects, pero hindi naman nag-fail dahil ‘yung pinanghahawakan, hindi lang naman ‘yung statements nila,” giit niya. RNT/SA