Home HOME BANNER STORY Pampublikong transportasyon bigong maparalisa sa tigil-pasada ng PISTON – LTFRB

Pampublikong transportasyon bigong maparalisa sa tigil-pasada ng PISTON – LTFRB

MANILA, Philippines Bigong maparalisa ng nationwide transport strike ang pampublikong transportasyon, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Lunes, Abril 29.

“Tila walang epekto ang strike. In terms of paralyzation of the public transport system with special emphasis sa area na very strong ang presence ng PISTON like Divisoria, Sucat and Quezon Avenue. Kung napansin niyo parang wala naman kakapusan sa mga sasakyan,” pahayag ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III.

Matatandaan na sinimulan na ng mga miyembro ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ang kanilang tatlong araw na nationwide strike bago ang deadline ngayong araw, Abril 30, para sa consolidation ng jeepney drivers at operators bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

Nagtipon-tipon at nagsagawa ng kilos-protesta ang mga miyembro sa ilang lugar sa Metro Manila kabilang ang Pasig City, Quezon City at Laguna.

“Sabi nila ang dami nang nagpakonsolida pero maging yang mga nagpakonsolida napakarami po niyang angal. Kung papakinggan niyo ang nakaraan hindi po epektibo ang ginawa ng gobyerno na sapilitang konsolidasyon pero hanggang ngayon ayaw aminin ito ng gobyerno,” ayon kay Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas.

Samantala, naghain ng amended petition ang PISTON sa Korte Suprema laban sa PUVMP.

“Pwede bang i-TRO muna habang hindi pa nag-desisyon ang Korte Suprema? Kasi pag ma-cancel na ang prankisa simula bukas, kahit manalo pa kami sa petisyon, maibalik pa ba yan?” ayon sa abogado na si Neri Colmenares.

Anang LTFRB, tatanggap sila ng minimum requirements para makapag-consolidate simula Mayo 1.

“We will give them 6 to 9 months to at least comply with all the documentary requirements but in the meantime, just to show proof na talagang sila po ay sinsero po sa kanilang adhikain na sumama sa gobyerno, we will allow them to have at least the minimum requirements — petisyon, ‘yung proof na kooperatiba na sila at saka OR-CR in the meantime yan na muna ok na po,” dagdag ni Guadiz.

Sa ilalim ng PUVMP, obligado ang mga jeepney driver at operator na lumahok o bumuo ng kooperatiba. Layon nitong palitan ang mga traditional jeepney ng mga sasakyan na may environment-friendly na makina.

Sa pinakabagong datos mula sa LTFRB, 77% ng jeepney sa buong bansa at 52% sa Metro Manila ay nakapag-consolidate na.

Noong Enero ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Department of Transportation (DoTr) na palawigin ang deadline ng mga drayber at operator na lumahok o bumuo ng transportation cooperatives o korporasyon ng hanggang Abril 30.

Sa kasalukuyan ay hindi na irerekomenda ng DOTR ang extension ng aplikasyon para sa consolidation ng individual PUV operators para bumuo ng transportation cooperatives o korporasyon sa pagtatapos ng deadline nito. RNT/JGC