GUSTO kong palakpakan si Senator Win Gatchalian sa kanyang malasakit, pagbibigay pansin sa problema ng mamamayan sa mga bangkong ayaw tanggapin ang national ID bilang sapat na pruweba nang pagkakakilanlan sa mga transaksiyon.
Para kay Gatchalian, ito ay “hayagang pambabalewala sa batas” at hinikayat kamakailan ang Bangko Sentral ng Pilipinas na paalalahanan ang mga institusyong pinansyal, gaya ng Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines, na turuang muli ang kanilang mga empleyado tungkol sa mga ipinatutupad na batas, partikular ang Philippine Identification System Act.
Ang katotohanan, ayaw payagan ng ilang bangko ang paggamit ng national ID sa mga transaksiyon dahil walang pirma ng may-ari ng ID sa mismong card. Ito rin ang parehong dahilan kaya tumatanggi silang magbukas ng bagong accounts para sa mamamayan, karamihan ay mahihirap, na ang tanging patunay ng pagkakakilanlan ay ang kanilang national ID.
Sa natatandaan ko, pinagtibay ng BSP ang kasapatan ng disenyo ng national ID at ng impormasyong nakaimprenta rito kaugnay ng pagkakakilanlan ng may-ari dahil tadtad ito ng codes na maaaring beripikahin offline at online.
Ang kabalintunahan at kakatwa sa lahat ng ito ay iyong habang nagsisikap ang gobyerno na magkaroon ng financial inclusion ang lahat sa paghimok sa mamamayan nitong wala pang account sa bangko na makibahagi sa e-commerce at e-banking sa pamamagitan ng PhilSys Law, ang mismong mga bangko na makikinabang dito ang nagtataboy sa mahihirap dahil lang nasanay na ang kanilang front desks na patunayan ang pagkakakilanlan ng mga tao batay lang sa pinaikot-ikot na linya!
Hindi ko alam na nabubuhay pa rin pala ang mga bangko sa panahon ng mga plumang de tinta at mensaheng inukit sa scrolls. Siguro, magpadala na lang tayo ng mga kalapating bibitbit ang ating mga pirma makatupad lang tayo sa makalumang requirements ng institusyong ito?
Pero sa totoo lang, huwag sana nating kalimutan ang tunay na layunin ng national ID system alinsunod sa batas. Hangad nito na gawing mas simple ang mga transaksyong pampribado at pampubliko, at hindi lumikha ng panibagong hadlang para sa masisipag nating mamamayan.
Kaugnay nito, suportado ng Firing Line ang mahusay na mungkahi ni Gatchalian na nagsusulong na pagmultahin ng ?500,000 ang mga bangko sa bawat paglabag.
Iba pang
mga problema
Samantala, nananawagan si Senate Minority Leader Koko Pimentel ng imbestigasyon sa matagal nang nabalam na pag-iisyu ng national ID cards. Gayunman, imposible na ang pagsasakatuparan ng mandato sa ilalim ng Republic Act No. 11055, na unang nangako na magdedeliver ng 116 milyong “pre-personalized IDs” sa 2023.
Sa halip na igiit ang katuparan ng Herculean task na ito, mas mabuti pang alisin na lang ng Philippine Statistics Authority ang nasabing palugit.
Bukod dito, nakasagap din tayo ng mga reklamo tungkol sa kalidad ng pag-iimprenta ng national ID cards. Ayon sa mga reklamo, ang likurang bahagi raw ng card ay delikadong masira agad. ‘Mission Impossible’ ba ito, kung saan ang mga nakaimprentang linya ay nakadisenyong magwatak-watak sa ating paningin?
Hindi ito katawa-tawa dahil sa bahaging iyon din ng national ID matatagpuan ang barcode at QR code, na siyang backbone ng modernong identification systems.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.