BAGUIO CITY –Namukadkad na sa kalsada ang pinakasikat na Flower Festival o mas kilala sa Panagbenga, ang buwanang pagdiriwang sa lungsod na ito.
Sa opening program ng Baguio Flower Festival, kahapon (Miyerkules), sinabi ni Andrew Pinero, komite ng media head at guest relations manager ng Baguio Country Club (BCC), bumungad ang grand parade na sinalihan ng iba’t ibang grupo ng mga mag-aaral at pribadong sektor.
Aniya, ang Panagbenga ay sinimulan noong 1996 upang makatulong na palakasin ang espiritu ng mga residente sa kanilang pagbangon muli pagkatapos ng isang malakas na lindol noong 1990.
Makalipas ang 27-taon, sunod naman ang pandaigdigang pandemya ng coronavirus na halos tatlong taon na dumanas ng kahirapan ang mga residente.
Naniniwala ang lokal na pamahalaan ng Baguio na nag muling pagbubukas ng Panagbenga ay dadagsain ng mga turista para muling manumbalik ang sigla ng mga taga-lungsod dahil sa pagkakataon na nagbibigay ito ng mga trabaho at ang pagbangon ng ekonomiya.
Kabilang sa mga aktibidad ngayong taon ay ang landscape competitions sa mga nayon at paaralan, ang fluvial parade sa Burnham Lake, ang kite-flying event, Little Miss Panagbenga, at iba’t ibang outreach activities ng civic action groups.
“Huwag nating kalimutan ang aktibidad na ‘Let a Thousand Flowers Bloom’ kung saan ang mga pamilya at kaibigan ay nagpipinta ng kanilang disenyo at parada sa grand street dancing parade,” ani Pinero.
Ang mga canvasses ay nakasabit sa kahabaan ng Session Road at Harrison Road hanggang sa pagsasara ng Panagbenga ngayong taon sa unang Linggo ng Marso, o ika-5 ng Marso.
“Habang may mga residente na pinipiling manatili sa bahay at manood ng mga parada sa telebisyon o sa Facebook page, hinihintay nila kung ano ang inaalok nito, ang mga kulay at mga disenyo ng mga float at ang mga kasuotan ng mga kalahok,” sabi ni Pinero.
“Marami sa atin dito sa Baguio, kapag narinig natin ang Panagbenga hymn na nagsimula nang tugtugin ng mga marching band, ibinabalik natin ang magagandang alaala kung paano tayo nagsikap para sa Baguio upang makamit ang kaluwalhatiang tinatamasa nating lahat ngayon at ang mga pakinabang na inaani nating lahat sa pagdiriwang. na lumilikha ng domino effect sa kabuhayan ng pinakamaliit na may-ari ng negosyo hanggang sa malalaking establisyimento,” dagdag niya.
Ang Panagbenga, na ipinangalan sa salitang kankanaey na nangangahulugang “namumulaklak ng mga bulaklak,” ay naisip ng isang grupo ng mga tao na konektado noon sa John Hay Poro Point Development Corporation (JPDC) na pinamumunuan ni Damaso Bangaoet, na naka-pattern mula sa Parade of Roses ng Pasadena sa California.
Dati itong ginaganap sa loob ng isang linggo na may maliliit na aktibidad sa football field sa Camp John Hay na ang mga residente mismo ay naglalaan ng oras upang bisitahin ang mga ibinebenta sa market encounter, kumain sa labas at magpahinga.
Subalit kinalaunan, nagbago ito upang maging isang dalawang linggong aktibidad, bago naging kasalukuyang pagdiriwang sa buong buwan na pinangangasiwaan ng Baguio Flower Festival Foundation kasama ang mga miyembro mula sa iba’t ibang sektor ng lungsod. Mary Anne Sapico