Home NATIONWIDE Panay blackout nagdulot ng P3.72B economic loss sa Iloilo

Panay blackout nagdulot ng P3.72B economic loss sa Iloilo

MANILA, Philippines – Nagtamo ang probinsya ng Iloilo ng P3.72 bilyong economic loss dahil sa malawakang pagkawala ng kuryente mula Enero 2 hanggang 5 sa Panay island.

Ayon kay Mario Nillos, Iloilo Provincial Planning and Development Office (PPDO) chief, ang nasabing halaga ay batay sa datos mula sa Iloilo Electric Cooperatives (ILECOs).

Sinabi ni Nillos na ito ay katumbas ng bilang ng oras at power loss megawatts (MWs) ng tatlong distribution utilities.

Aniya, nakabatay ang bilang sa formula na ginagamit ng Philippine Independent Power Producers Association (PIPPA).

Sa bawat 100 MW na mawawala, katumbas umano ito ng economic losses na P111.2 milyon kada oras.

Ang ILECO-I ang may pinakamataas na economic loss sa P1.71 bilyon, habang ang ILECO-II ay may P1.12 billion at ILECO-III sa P891 million.

Nilinaw ni Nillos na ang nasabing halaga ay pagtaya lamang dahil hindi naisama sa pagbibilang ang iba pang sektor katulad ng agrikultura at pangisdaan.

Nauna nang sinabi ni Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr. na plano nilang maghain ng class-action lawsuit sa mga responsable sa malawakang blackout na nakaapekto sa Aklan, Antique, Capiz, at Guimaras provinces, maging sa probinsya ng Iloilo. RNT/JGC

Previous articlePagpapalaya kay Mary Jane Veloso ipinanawagan ng pamilya, ilang grupo sa pagbisita ni Widodo
Next articleComelec dapat makapili na ng election machines contractor pagsapit ng Marso – Garcia