SUKDULAN na ang pang-aapi ng Tsino sa ‘Pinas doon sa West Philippine Sea kung saan isang barko ng Philippine Coast Guard at ang binabantayang supply boat nito ang binangga ng Chinese Coast Guard habang naglalayag patungo ng Ayungin Shoal.
Hindi natin maunawaan kung anong klaseng masamang espiritu ang sumanib sa kaluluwa ng mga Tsino at binangga nito ang dalawang barko ng bansang nagdadala lang naman sana ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga guwardya sa BRP Sierra Madre na matagal nang destakamento sa WPS na napapaloob naman sa Exclusive Economic Zone ng ‘Pinas.
Una nang nakaranas ng pambobomba ng tubig mula sa kamay ng Chinese militia ang pulutong ng mga Pinoy habang bumibiyahe rin patungo ng Ayungin Shoal para sa re-supply mission ilang buwan ang nakararaan.
Hindi pa kabilang ‘dyan ang ilang libong reklamo ng mga mangingisdang kababayan natin na halos araw-araw ay itinataboy ng CCG at Militia kung saan hanggang diplomatic protest lang naman ang pwede gawin ng gobyerno dahil wala namang sapat na kakayahan ito upang tuluyan nang palayasin ang mga amuyong ng China sa inangking teritoryo sa WPS.
Bagaman nagpalabas ng babala ang US sa China na makikialam ito sakaling lumala pa ang pambabalahura nito sa mga tropang ‘Pinoy subalit sadyang hanggang dito na lang siguro ang itinakdang tadhana ng ating gobyerno mula sa kamay ng abusadong bansa bunsod sa dehado tayo sa usapin ng puwersa armada.
Masaklap man tanggapin ngunit ang pagsasampa ng diplomatic protest at pagpapasaklolo sa mga dambuhalang kaalyadong bansa ang tanging pansamantalang solusyon lang sa WPS dahil bantay sarado rin naman ito ng ubod ng kapal na mukha ng gobyerno ng China na hindi kailanman isusuko ang inagaw na teritoryo ng bansa.