Home HOME BANNER STORY Pangalan ng mga nanalo sa lotto handang isumite ng PCSO sa Senado

Pangalan ng mga nanalo sa lotto handang isumite ng PCSO sa Senado

(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isusumite nito ang mga pangalan ng mga nanalo sa lotto sa isang executive session ng Senado kung i-subpoena matapos mag-viral ang edited na larawan ng isang nanalo ng Lotto 6/42 jackpot.

Sa Senate inquiry nitong Huwebes, Enero 18, kinumpirma ni PCSO General Manager Melquiades “Mel” Robles na ang larawan ay na-edit para protektahan ang pagkakakilanlan at privacy ng bettor.

Makikita sa nasabing larawan mula sa PCSO ang nanalo mula sa San Jose Del Monte, Bulacan na nag-claim ng Lotto 6/42 jackpot na nagkakahalaga ng P43,882,361.60 sa PCSO Main Office noong Disyembre 28, 2023.

“Sa executive session, I need to know kung sino yang nanalo kasi nga meron mga balita na katropa nyo ang nanalo,” ani Senator Raffy Tulfo kay Robles.

“Kaya kailangan ko ang pangalang identity nung nanalo…Kung kinakailangan kong mag-hire ng private detective. Kapag na-trace na lumitaw na hindi talaga connected sa inyo e ‘di sasabihin ko rin dito,” ani Tulfo.

Iminungkahi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel na limitahan ang mga miyembrong sasali sa executive session.

Samantala, inanunsyo ng PCSO ang isa pang maswerteng bettor na nanalo ng jackpot na nagkakahalaga ng P690 milyon sa Grand Lotto 6/55.

“Lahat po ay on record yan at kung isu-subpoena nyo po we can provide the names,” ani Robles.

Pinangunahan ni Tulfo ang panel hearing sa hangaring ipagbawal ang online na paglalagay ng taya para sa lahat ng laro sa lotto. RNT

Previous articleBalik June-March na pasukan pinag-aaralan ng DepEd
Next articleDSWD: 4Ps list na kumakalat online, peke!