Home OPINION PANGAMBA AT PANGANIB

PANGAMBA AT PANGANIB

INILABAS kamakailan ng World Economic Forum o WEF ang resulta ng isang global sarbey na nagsasabing ang mga pinakamalalaking banta sa pag-unlad sa Pilipipinas ay ang “extreme weather events” o matitinding sama ng panahon at ang kakulangan sa suplay ng kuryente.

Pangatlo raw ay ang pagbagal o pagkalugi naman ng kalakalan na resulta naman din ng naunang dalawang kaganapan.

Ang sarbey na may pamagat na “Executive Opinion Survey” o EOS ay bahagi ng Global Risk Report 2024 ng WEF. Mahigit 11,000 tao ang sumagot sa sarbey na kinalap noong Abril hanggang Agosto ng 2023 at pinapili sila ng limang bagay mula sa listahan ng 36 na panganib (or risks) sa kaunlaran ng kanilang bansa sa susunod na dalawang taon.

Hindi mahirap tanggapin ang resulta na ito. Tinatayang bilyong piso ang nawawala sa ekonomiya ng Pilipinas taon-taon dahil sa pananalasa ng mga bagyo. Nitong huling dalawang dekada, malaking pinsala na rin ang hinarap ng Mindanao dahil sa mga super-typhoon, na dati-rati ay hinid naman nadadaanan ng bagyo ang Katimugan ng Pilipinas.

Pero hindi lang mga malalalakas na bagyo ang hinaharap na problema ng Pilipinas. Kasama na rin dyan ang sobrang tag-init, kung saan malaking bahagi ng bansa ang pwedeng makaranas ng tagtuyot. Maaari nitong maapektuhan ang patubig at irigasyon, na s’ya naman magpapadapa sa ani ng mga magsasaka. Parehong apektado ang produksyon ng palay at mga gulay, at maaari itong mauwi sa kakulangan ng pagkain.

Sa mga taga-syudad at karatig-probinsya naman, ang abnormal ng dami ng ulan ang magdadala ng baha. Dahil nakalbo na ang mga gubat at watersheds natin, hindi na kayang sipsipin at ipunin ng kalupaan ang sobrang dami ng ulan kaya umaapaw ang mga ilog at patubig na sumisira rin sa agrikultura o kaya naman ay sa kabahayan at imprastraktura sa mga lungsod. Kaya nga napansin ko, sobra naman yata ang dami ng mga “flood control projects” sa national budget sa 2024.

Mas nababahala ako na mukhang hindi handa ang gobyerno natin na harapin, pag-isipan, planuhin at ipatupad ang mga nararapat na programa at polisiya para tugunan ang mga banta ng extreme weather events. Marami sanang pwedeng gawin.

Dagdagan ang budget ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration o PAGASA para mas mapabuti ang pag-monitor ng panahon.

Pagbutihin ang koordinasyon ng Climate Change Commission o CCC para gawin ang pangmatagalang (long-term) pagtugon sa nagbabagong-klima. Utusan ang Department of Environment and Natural Resources na paigtingin ang pagmonitor ng mga proyektong nakakasira sa kagubatan at katubigan. Palakasin ang Department of Agriculture o DA para isaayos ang mga taniman at baybaying dagat  upang mapangalagaan ang mga likas yaman na nakukuha natin dito.

Nangagamba ako sapagkat manipis na lang ang natitirang oras para maayos na matugunan natin ang mga hamon ng nagbabagong klima.

Previous articleLotto Draw Result as of | January 18, 2024
Next articleTRANSWOMEN KINAKATAY SA MEXICO