Home NATIONWIDE Pangangasiwa sa paglalakbay ng mga Muslim Pinoy para sa Hajj Pilgrim target...

Pangangasiwa sa paglalakbay ng mga Muslim Pinoy para sa Hajj Pilgrim target ilipat sa private travel agencies

MANILA, Philippines- Naghain ng panukalang batas ang nag-iisang Muslim na senador sa pagbubukas ng pribadong travel agencies para sa mas mabisa at ligtas na paglalakbay ng Muslim Filipinos sa taunang Hajj.

Sinabi ni Senador Robin Padilla na nakatakdang alisin ang naturang tungkulin sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) upang maging maayos ang Hajj.

Aniya, aamyendahan ng Senate Bill 2452 ang ilang probisyon ng Republic Act 9997 na nagmamandato sa NCMF na mangasiwa ng programa, gumawa ng alintuntunin, at pakikipag-ugnayan sa tanggapan upang matiyak ang tagumpay ng bawat Hajj.

“The necessity to ensure an efficient, organized and safe Hajj journey for Muslim Filipinos is urgently called for. This bill proposes opening Hajj travel arrangements to private entities, thereby fostering a competitive market to the advantage of our traveler pilgrims,” ayon kay Padilla.

“As a result, travel service providers will continuously endeavor to improve the quality of Hajj services, offer a wide range of flexible travel packages within the average market price range, and reinforce innovative and enhanced strategies in Hajj operations,” dagdag ng mambabatas.

Giit ni Padilla, hindi na kailangang gampanan ng NCMF ang ilang masalimuot na bagay sa paghahanda para sa Hajj, dahil ang travel service providers ang mas may kakayahan at sinanay na travel professionals.

Sa panukalang batas, hindi na kailangan ng NCMF na itaguyod ang Hajj Assistance Fund galing sa kontribusyon ng Muslim Filipinos para sa pangangailangan ng Muslim Filipino na sasali sa Hajj.

Tatanggalin na rin sa NCMF ang Bureau of Pilgrimage and Endowment, kasama ang kapangyarihang may kinalaman sa administrasyon ng Hajj maliban sa pag-register at pag-accredit ng sheikhs, o pribadong tao na gagawa ng pag-facilitate, pagproseso, at pagbigay ng gabay sa Hajj.

Aamyendahan din ng panukalang batas ang probisyon ng RA 9997 tungkol sa Hajj Attache, na lilimitahan sa pakikipag-ugnayan sa Ministry of Hajj ng Saudi Arabia kung saan kailangan ang “government-to-government action” kasama ang certification sa pagbago ng pangalan ng pilgrim.

Hindi na kasama sa trabaho ng Hajj Attache ang makialam sa “administration, conduct, facilitation or processing” ng Hajj para sa mga Muslim Filipino. Ernie Reyes

Previous articleP4/litro na fuel discount inihirit
Next articleKonstruksyon ng unang vaccine manufacturing plant sa Pinas umarangkada