MANILA, Philippines – Isang lalaki na nagpakilalang miyembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at ng Military Intelligence Group (MIG) ang dinakip nitong Oktubre 18 makaraang madiskubreng peke ang kanyang mga ipinakitang IDs sa Parañaque police.
Ayon sa report na isinumite ng Parañaque City police kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Roderick Mariano, nagtungo ang ‘di pinangalanang suspect sa Tambo police Substation kasama ang tatlong Chinese nationals dakong alas 8:40 ng gabi para mag-ulat ng isang insidente.
Sa kadahilalang hindi marunong magtagalog ang mga Chinese nationals ay ang suspect ang nakikipag-usap sa mga pulis kung saan nagpakilala siyang miyembro ng ISAFP at MIG.
Nang ipinakita niya ang kanyang AFP ID at MIG ID sa pulisya ay nadiskubreng peke ang mga ito at doon na siya napilitang umamin na hindi talaga siya miyembro ng ISAFP.
Nahaharap sa kasong usurpation of authority ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque police Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS).
“This case has raised concerns about the ease with which these individuals can impersonate uniformed personnel through the use of counterfeit identification cards. I urge the public to be vigilant and be wary of individuals posing themselves as members of law enforcement agencies or any government office,” ani Mariano. (James I. Catapusan)