MANILA, Philippines- Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga progresibong grupo, kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nitong Independence Day laban sa patuloy na umano’y panghihimasok ng mga dayuhan, gaya ng China at ng United States, sa soberanya ng Pilipinas.
Batay sa ulat, nagprotesta ang mga miyembro ng Bayan sa harap ng Chinese Embassy sa Makati. Nagmartsa sila patungo sa US Embassy subalit hinarang ng mga pulis sa Kalaw Street.
Iginiit ng mga raliyesta na kontra sila sa panghihimasok umano ng US sa Pilipinas, maging sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at sa Visiting Forces Agreement (VFA).
“Mali kung iaasa natin na itataguyod ng US o ng China ang ating soberanya,” pahayag ni Bayan Secretary-General Renato Reyes.
“Dapat nating piliin yung interest ng mga Pilipino at dapat nating tutulan ang anumang klase ng panghihimasok na ginagawa ngayon ng dalawang nag-uumpugang higante kasi tayo yung naiipit eh, tayo yung nasasagasaan, tayo na aagrabyado,” dagdag niya. RNT/SA