Home OPINION PANGIL NG BATAS-TRAPIKO, ‘WALANG ARAY’ ANG KAGAT

PANGIL NG BATAS-TRAPIKO, ‘WALANG ARAY’ ANG KAGAT

NAKALULUNGKOT na halos araw-araw na lamang na nilalaman ng mga balita ang mga road crash. Hindi na ligtas ang pagtawid ng ating mga kababayan sa pedestrian lane.

Nabalitaan n’yo ba ang isang insidente kung saan nabangga ng kotse ang isang estudyanteng menor de edad sa isang crosswalk? Perwisyo na rin ang ilang “kamote” rider na hindi marunong magmenor at para bagang laging naka-full throttle sa pagpapaharurot ng kanilang motorsiklo. Puro “ride safe” ang motto ng mga rider, pero lagi namang overspeeding, nya-ha-ha-ha!

Hay, paano na kaya ang kaligtasan ng mga tumatawid na mga bata, matanda, buntis, persons with disability at mga may iniindang karamdaman? Papaano kaya natin sila maiingatan?

Sa ating palagay, mahina pa rin ang pangil ng batas-trapiko. Kailangan muling silipin ang mga batas tulad ng RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code at iba pa na may kaugnayan dito. Gayundin ang batas para sa enforcement, maintenance ng traffic lights and signals, traffic sign at marking.

Nararapat na ring dagdagan ang training at ibayong paghihigpit sa mga bago at nagre-renew ng driver’s license.

Para sa inyong kaalaman, hindi isang karapatan ang pagkakaroon ng lisensiya kundi isa lamang pribilehiyo. Ibig sabihin, anomang oras ay puwede itong bawiin kung makikitaang hindi karapat-dapat ang pinagkalooban nito.

Dagdagan na rin sana ang mga multa para sa mga lumalabag na motorista at mahabang pagkakakulong naman ang ating mungkahi para sa mga enforcer na “nangongotong.”

Sana mapakinggan at mapag-aralan ng mga awtoridad ang ating mga suhestiyon. Magbibigay ito ng proteksyon lalo na sa mga pedestrian na karaniwang nagiging biktima at nagbubuwis ng buhay dahil sa mga nagmamanehong walang pakundangan, walang disiplina, walang respeto sa kapwa at sa umiiral na batas.

Panahon na para taliman ang pangil ng batas-trapiko, baka kasi pumupurol na kaya hindi masyadong masakit kapag nangangagat, he!he!he! Anong sey n’yo?

Previous article600 POOR MALABUEÑOS GET CASH AID FROM SENATOR, MAYOR
Next articleAmihan, easterlies makaaapekto sa ilang bahagi ng Pinas