Home NATIONWIDE Pangunahing suspek sa Camilon case kinontemp ng Senado

Pangunahing suspek sa Camilon case kinontemp ng Senado

MANILA, Philippines- Isinailalim sa contempt ng Senate panel si Police Major Allan de Castro, ang pangunahing suspek sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon, dahil sa umano’y pagsisinungaling.

Sa pagdinig ng Senate public order and dangerous drugs committee na pinamumunuan ni Senator Ronald dela Rosa, itinanggi ni De Castro na may relasyon sila ni Camilon.

“Nagsasabi po ako ng totoo, wala kaming relasyon, wala po,” wika niya sa harap ng komite.

Ito ay sa kabila ng pahayag ng National Bureau of Investigation at ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group na hawak nila ang salaysay ng mga testigo at mga larawang nagpapakitang may relasyon sina De Castro at Camilon.

Hindi ikinatuwa ni Dela Rosa ang pagtanggi ni De Castro.

“Nagsisinungaling ka sa harapan ko… I am not satisfied with your explanation,” giit ng senador.

Dahil dito, iminungkahi ni Senator Robin Padilla na isailalim si De Castro sa contempt dahil sa pagsisinungaling sa komite, na sinang-ayunan naman ni Dela Rosa.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Senate Sergeant-at-Arms si De Castro.

Ito ang unang pagkakataon na dumalo si De Castro sa Senate hearing ukol sa isyu. RNT/SA

Previous articlePagbisita ni Blinken sa Pinas pinalagan ng Tsina
Next article2K tauhan ng QC LGU traffic ipakakalat sa Semana Santa