Home NATIONWIDE Pangunahing suspek sa pagkawala ni Camilon pinalaya

Pangunahing suspek sa pagkawala ni Camilon pinalaya

MANILA, Philippines- Pinalaya ng mga awtoridad ang pulis na itinuturong primary suspect sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.

Sa press conference nitong Lunes, sinabi ni Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda Jr. na pinakawalan si Police Major Allan de Castro dahil nasibak na ito sa serbisyo.

“Since he was dismissed from the service, he is now released from our custody. Kumbaga, wala na siya. But still the criminal case will be pursued by the PNP,” aniya.

Sa kabila ng pagpapalaya kay De Castro, sinabi ni Acorda na patuloy siyang babantayan ng PNP upang madali siyang mahuli sakaling maglabas ng warrant arrest laban sa kanya.

Noong October 26, 2023, inihayag ng Police Regional Police Office 4A na dinala si De Castro sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit nang pangalanan siya bilang isa sa persons of interest sa pagkawala ni Camilon.

Sinabi naman ni Police Regional office (PRO) 4A chief Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas noong nakaraang linggo na epektibo ang pagkakatanggal kay De Castrosa tungkulin noong January 16.

Base kay Lucas, sinibak si De Castro dahil sa “conduct unbecoming of a police officer,” batay sa umano’y “illicit and extramarital affairs” kay Camilon.

Naghain na ng kidnapping and serious illegal detention complaints laban kay De Castro, kanyang driver-bodyguard na si Jeffrey Magpantay, at dalawang John Does kaugnay ng pagkawala ni Camilon.

Matatandaang nag-post ang kapatid ni Camilon na si Chin-chin sa social media upang humingi ng tulong sa netizens na mahanap ang kanyang kapatid. Makalipas ang limang araw, opisyal na idineklara si Camilon bilang “missing person.”

Ayon sa mga awtoridad, nakipag-ugnayan ang malapit na kaibigan ni Camilon kay Chin-Chin at sinabi sa kanya ang umano’y relasyon sa pagitan ng  beauty queen at ni De Castro.

Naiulat na si De Castro ang kakatagpuin ni Camilon sa mismong araw ng kanyang pagkawala. Mariin itong itinanggi ni De Castro.

Batay sa impormasyon ng mga pulis, si De Castro umano ang nagbigay kay Camilon ng sasakyan kung saan siya nakita nang umalis siya ng kanyang bahay.

Makikita naman sa CCTV footage na kuha noong October 12 na dumaan ang sasakyan ni Camilon sa ilang bayan sa Batangas. Anang mga pulis, tila may kasama si Camilon.

Lumitaw naman ang mga saksi na nagsabing nakita nila si Camilon na duguan at inilipat mula sa kanyang kotse patungo sa isa pang sasakyan noong October 12. Nakita rin umano ng mga saksi si Magpantay sa lugar.

Tumugma rin ang hibla ng buhok at dugo na narekober sa sasakyan sa DNA profile ng mga magulang ni Camilon.

Nag-aalok naman ng pabuyang P250,000 para sa impormasyon ukol sa lokasyon ni Camilon, kung saan galing ang pondo kina Batangas Vice Governor Mark Leviste, Presidential Anti-Organized Crime Commission, at sa business sector.

Bagama’t hindi pa natatagpuan si Camilon, nauna nang sinabi ng mga imbestigador na maaaring patay na ito base na rin sa salaysay ng mga saksi. RNT/SA

Previous articleIlang grupo nagprotesta vs Cha-cha
Next articleCha-cha ‘di itinuturing ng mga Pinoy na urgent nat’l concern – sarbey