Home NATIONWIDE Paniningil sa consumers sa delayed projects, kinwestyon sa Senado

Paniningil sa consumers sa delayed projects, kinwestyon sa Senado

MANILA, Philippines – Kinwestyon ng mga senador nitong Miyerkules, Mayo 24, ang pangongolekta ng National Grid Corporation (NGCP) ng bayarin para sa unfinished projects sa mga consumer.

Ito ang napag-alaman matapos na tanungin ni Senador Sherwin Gatchalian ang
Energy Regulatory Commission (ERC) sa datos ng mga naaprubahang proyekto ng NGCP.

Ayon kay ERC chairperson Monalisa Dimalanta, 348 ang aprubadong proyekto kung saan 72 proyekto ang delayed.

Kabilang dito ang anim na backbone projects na napakahalaga para sa interconnectivity ng bansa.

Ani Dimalanta, pinayagan ang NGCP na mangolekta ng bayad sa mga consumers nito kahit hindi pa nakukumpleto ang mga proyekto sa ilalim ng ERC order for Interim Maximum Annual Revenue (IMAR).

“In other words, parang ginigisa tayo sa sariling mantika because nagkokolekta na sa atin pero delayed itong mga projects,” sinabi ni Gatchalian, vice chairman ng Senate Committee on Energy.

“Right now, we are not seeing anything yet but they are collecting from consumers like us,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ni Dimalanta na patuloy pang inaalam ng ERC kung nagsimula na bang mangolekta ang NGCP ng bayarin sa mga consumer, sabay-sabing ang prinsipyo ng naturang polisiya ay para makolekta ng NGCP ang mga nagastos na nito sa proyekto.

Ipinunto naman ni Gatchalian na pinayagan na sila ng ERC na gawin ito.

Ayon naman kay Energy Undersecretary Sharon Garin, walang magagawa ang Department of Energy kaugnay rito dahil ang kasunduan ay sa pagitan ng NGCP at National Transmission Corporation maging sa congressional franchise ng naturang korporasyon.

Aniya, ang magagawa lamang nila ay ang magpataw ng P50 milyon na maximum fine sa bawat violation.

Pahayag naman ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza, ang mga bayarin para sa delayed projects ay striktong kinokolekta dahil layon ng IMAR na suportahan ang capital at operational expenditures ng NGCP na tinukoy ng ERC.

Ayon kay Alabanza, ang delayed backbone projects ay hindi sakop ng IMAR.

“It sounds as if puro kami excuses sa mga delayed projects namin sa three main backbone projects but the reality is we do suffer external and internal delays,” aniya.

Ipinunto rin nito ang mga pagsubok sa pagkumpleto ng proyekto katulad ng right of way issues.

Lubhang nadismaya naman si Gatchalian at sinegundahan pa nina Senador Raffy Tulfo at Senador Risa Hontiveros.

“Daig pa si Hudas,” bitaw ni Tulfo. RNT/JGC

Previous articleAndrea, aminadong tabingi ang mukha!
Next articleImplementasyon ng SRP sa sibuyas binawi ng DA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here