Home NATIONWIDE ‘Panlilinlang’ ng CPP-NPA-NDF kinastigo ng BFCC

‘Panlilinlang’ ng CPP-NPA-NDF kinastigo ng BFCC

MANILA, Philippines – Kinastigo ng pamunuan at mga miyembro ng Bukidnon Fellowship of Congregational Churches (BFCC) ang anila’y panlilinlang, pang-iimpluwensiya at pagpasok sa kanilang mga simbahan ng mga komunistang grupo sa lalawigan.

Kahapon ay nagsagawa ng programa ang libong kasapi ng BFCC sa Valencia City Gym sa Bukidnon at ipinakita ang kanilang pagkakaisa at hindi natitinag na pananampalataya gayundin ang pangako sa paglilingkod sa mga komunidad.

“The inception of Bukidnon Fellowship of Congregational Churches (BFCC) is a concerted effort of church workers and members in remaining steadfast to the principles of United Church of Christ of the Philippines (UCCP). It upholds the autonomy of local churches and rallies behind the 4Rs—Reclaim, Restore, Rebuild, and Revive. Our fellowship stands as a beacon of hope and a testament to our unwavering faith in Christ and commitment to serving our communities with love and compassion,” ang sabi ni Rev. Jenifer Centillas Castillano, Administrative Pastor ng UCCP Valencia City Bukidnon sa isang kalatas.

Noong Pebrero sa Bukidnon, pinaalis ng ilang pinuno ng simbahan ang mga nagsisimba sa UCCP Liloan, Valencia at nilagyan ng padlock ang mga pintuan ng simbahan sa UCCP Kawayan, San Fernando, kaya napilitan ang mga miyembro ng kongregasyon sa dalawang simbahan na sumamba sa ibang lugar.

Kasunod ito ng serye ng mga diyalogo na naglalayong magkasundo, na sa kasamaang palad, ay hindi kasama ang obispo sa dumalo.

Ani Rev. Castillano, ang pangyayari ay nagpahiwatig ng isang mas malaki, mas mapanlinlang na impluwensya na pumapasok sa kanilang simbahan.

“Ang ideolohiya ng CPP-NPA-NDF ay pinagmumulan ng alitan at pagkakabaha-bahagi, na humahamon sa pinakaubod ng ating pananampalataya at komunidad. Ang kamakailang mga aksyon ng ilang mga pinuno ng simbahan, na naiimpluwensyahan ng ideolohiyang ito, ay humantong sa hindi kinakailangang alitan at kahirapan para sa ating mga kongregasyon,” ayon sa pastor.

Nanindigan naman ang BFCC na ito ay nakikiisa sa mga miyembro ng simbahan sa pakikibaka na nakatuon sa mga prinsipyo ng mga turo ni Kristo at awtonomiya ng mga lokal na simbahan.

“Tinatanggihan namin ang anumang ideolohiya ng CPP-NPA-NDF na naglalayong pahinain ang aming pananampalataya at guluhin ang aming samahan,” ani Rev. Castillano.

Nananawagan si Rev. Castillano sa lahat ng miyembro ng UCCP na makiisa sa sa panalangin at pagkilos upang mabawi ang kanilang mga simbahan mula sa pagkakahawak ng mga impluwensya ng paghahati-hati.

“Ibalik natin ang kabanalan ng ating pagsamba at ang pagkakaisa ng ating pagsasamahan. Muli nating itayo ang ating mga komunidad sa pundasyon ng pag-ibig at mga turo ni Kristo. Buhayin natin ang ating pangako sa paglilingkod sa mga nangangailangan at pagpapalaganap ng Ebanghelyo,” anang pastor.

Hinimok din niya ang kanilang mga pinuno na pag-isipan ang kanilang mga aksyon at bumalik sa tunay na landas ni Kristo. RNT