Home METRO PANOORIN: Lola patay, 8 iba pa sugatan sa araro ng firetruck

PANOORIN: Lola patay, 8 iba pa sugatan sa araro ng firetruck

MANILA, Philippines – Patay ang isang senior citizen habang walo pa ang sugatan nang mahagip ng rumespondeng fire truck sa isang sunog sa Maynila.

Nakilala ang nasawi na si Violita Ferrer Estabillo, 62, vendor at residente sa Albuquerque St, Tondo, Maynila.

Isa sa walong sugatan ay ginagamot ngayon sa Mary Johnston Hospital ay si Irene See na isa ring senior citizen.

Habang ang iba pa ay nakauwi na rin matapos masuri.

Nauna rito, binabagtas ng Firetruck Smokey Pumper 125, na may registered plate number NBL-8773 ang kahabaan ng westbound lane ng P. Herrera 1st Street, malapit sa kanto ng Albuquerque Street, Tondo, Maynila nang mahagip ang mga biktima.

Sa imbestigasyon ng Manila Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District (MPD) nangyari ang insidente alas -5:30 kahapon ngunit naitawag na sa kanilang tanggapan pasado alas-7 ng gabi nitong Lunes, Agosto 14.

Iniwasan umano ng firetruck ang mga tent sa kahabaan ng kalye nang aksidenteng tumama ang harapang bahagi ng truck sa mga biktima.
Malakas umano ang pagkakabangga kay Estabillo kung saan napaabante pa ito ng ilang metro hanggang humampas sa sahig.

Agad silang isinugod sa ibat-ibang ospital ngunit si Estabillo ay binawian din ng buhay habang inoobserbahan sa Jose Reyes Hospital dahil sa tinamong pinsala at sugat sa katawan dahil na rin sa kanyang edad.

Kasong Vehicular Accident Resulting in Homicide and Physical Injuries ang maaaring kaharapin ng drayber ng fire truck na si Rodolfo Catindig Pineda, 27 anyos.

Hawak ngayon ng MDTEU si Pineda. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleLotto Draw Result as of | August 15, 2023
Next articleKuya Kim, may pahaging kay Pura Luka Vega!