Home NATIONWIDE Pansamantalang pagsuspinde sa pag-import ng sibuyas, ipinag-utos ng DA

Pansamantalang pagsuspinde sa pag-import ng sibuyas, ipinag-utos ng DA

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang pansamantalang pagpapahinto sa pag-import ng sibuyas hanggang Mayo–posibleng palawigin ang suspensyon hanggang Hulyo– kung mananatiling sapat ang domestic harvest ng high value crop para matugunan ang lokal na pangangailangan.

Ayon sa Agri chief, ang policy pronouncement ay para maiwasan ang pagbagsak ng mga presyo ng sibuyas dahil sa labis na suplay.

Kaugnay nito, nakipagpulong noong Huwebes si Sec. Tiu Laurel sa mga kinatawan ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. upang talakayin ang pagdami ng domestic supply ng sibuyas dahil sa sariwang ani at pagdating ng karagdagang suplay na inangkat noong Disyembre.

Ang mga pagkaantala sa pagpapadala ay nagresulta sa pagdating ng 99 toneladang sibuyas na inangkat noong Disyembre sa pagitan ng Enero 1 at 15.

“Sa prinsipyo, sumasang-ayon ako na walang pag-aangkat ng sibuyas hanggang Hulyo. But that is on condition na kung may biglaang pagkukulang ng supply, mas maaga tayong mag-import,” idinagdag pa nito.

“Hindi po natin alam ang mangyayari dahil may El Nino.”

Kaugnay nito, ang mas mainit na temperatura at matagal na tagtuyo dulot ng El Nino ay maaaring magbunga ng mas maraming peste na maaaring makasira sa produksyon ng sibuyas.

Ang buong epekto ng El Nino ay inaasahang mararamdaman sa Marso at Abril.

Ang tumaas na suplay ay nagtulak sa pagbaba sa farm gate prices ng sibuyas sa pagitan ng P50 at P70 kada kilo, at maaaring mas bumagsak kapag mas maraming sibuyas ang inani sa Pebrero.

Sa ilang lugar sa Nueva Ecija, na bumubuo ng 97 porsiyento ng produksyon ng sibuyas sa Luzon, bumaba ang presyo sa P20 kada kilo.

Ang Luzon ay bumubuo ng 65 porsiyento ng lokal na suplay ng sibuyas.

Samantala noong Disyembre 2022, tumaas ang presyo ng sibuyas sa pinakamataas na P720 kada kilo dahil sa kapos na suplay. Santi Celario

Previous articlePBBM may mensahe sa mga deboto ng Sto. Niño
Next articleVP Sara bumisita sa pamilya ng mga nasawi sa Monkayo landslide