MANILA, Philippines – Aprubado na sa Kamara ang panukala na nagsusulong na amyendahan ang Anti-Violence Against Women and Children Law(VAWC) upang maisama ang probisyon na magpapataw ng parusa sa mga online violence laban sa mga kababaihan at bata.
Ang House Bill 8009 o Expanded Anti-Violence Against Women and their Children Act ay inaprubahan ng Kamara sa botong 272 na pabor.
Ang electronic violence ay pang-aabuso gamit ang anumang uri ng information and communications technology na nagreresulta sa mental, emotional, psychological distress o pahirap sa mga kababaihan at mga bata.
Sa nasabing panukala, kasama sa electronic violence ang hindi awtorisadong recording, reproduction, distribution, use, sharing, o uploading ng anumang litrato o video na nagpapakita ng anumang bahagi ng katawan ng babae at mga bata gayundin ang pagpapakita ng anumang uri ng sexually-related verbal o nonverbal expression o gesture na nagpapakkita ng pagiging mahalay o pambabastos sa mga kababaihan at mga bata.
Sakop din ng electronic violence ang anumang uri ng harassment o pagbabanta sa mga kababaihan at bata sa pamamagitan ng text messaging o cyber, electronic, o multimedia technology gayundin ang stalking at paghack ng personal accounts sa social networking sites at pagpapalabas ng pekeng impormasyon na maaaring ikasira ng mga kababaihan at bata.
Parurusahan din ang pagbuo ng pekeng social media accounts gamit ang personal information ng mga kababaihan at bata na may intensyong manira o siraan ang isang indibidwdal.
Sinabi ni House Asst. Minority Leader Arlene Brosas, isa sa may-akda ng panukala na kailangan palawakin ang sakop ng VAWC at isama ang internet at social media kung saan maraming naitatalang pang-aabuso laban sa mga kababaihan at mga bata.
“Due to the rapid spread of mobile information, the increasing use of social media, and the increased reach of the internet, electronic violence against women has emerged as a major global issue with potentially troubling economic and societal consequences. In this growing technology-dependent society, it is our beholden duty to also update our laws to address the fast-changing realities and means of committing crimes,” paliwanag ni Brosas.
Sa isang statement, sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang pagsasabatas ng panukala ay isang hakbang para maprotektahan ang mga bata at kababaihan laban sa mga “criminally-minded individuals”.
“This proposed law is our answer to rising cases of internet-enabled violence and abuse against women and children, who we should protect. I hope that the bill, when enacted, would stop these acts of wrongdoing,” pagtatapos pa ni Romualdez. Gail Mendoza