Home NATIONWIDE Panukalang P100 minimum wage hike sa pribadong sektor suportado ng CHR

Panukalang P100 minimum wage hike sa pribadong sektor suportado ng CHR

MANILA, Philippines- Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang panukalang itaas ng P100 ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Para sa CHR, makatutulong ito na mapahusay ang kakayahan ng Labor Force o Lakas Paggawa ng mga Pilipino.

“While it may seem minimal, the proposed P100 increase in the daily minimum wage is a step in the right direction for the improvement of the Filipino labor force. We value this positive change and recognise its importance in achieving a better and more empowered workforce in the country,” ayon sa kalatas ng CHR.

Binigyang-diin din ng CHR ang kahalagahan ng pagbalanse sa pagitan ng pagkonsidera sa “economic implications” at pagbibigay ng “equitable minimum wage salaries” partikular na sa konteksto ng micro, small, and medium-sized enterprises (MSMEs).

“Pushing for a sustainable, inclusive, and equitable, minimum wage is critical to promoting a humane quality of life, both for employees and employers, and we believe that this is one of the most transformative policies that the government could implement for its people,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang landmark bill na nagmumungkahi ng P100 dagdag sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Bumoto pabor sa Senate Bill No. 2534 ang 20 senador samantalang hindi naman nakaboto at wala sa session hall sina Senators Imee Marcos, Lito Lapid, Cynthia Villar, at Mark Villar.

Nauna nang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, co-sponsor ng panukala na kung lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maaaring ito ang unang pagkakataon mula noong 1989 na magkakaroon ng pagtaas sa sahod sa pamamagitan ng isang batas.

Binigyang-diin din ni Zubiri ang mahigpit na pangangailangang taasan ang minimum na sahod ng mga manggagawa, partikular sa Visayas at Mindanao na kasalukuyang kumikita lamang ng P360 kada araw.

Sinabi ni Zubiri na imposibleng magkaroon ng maayos na buhay ang isang pamilya na ang nagtatrabaho ay sumasahod lamang ng P360 isang araw.

Sinabi naman ni Sen. Jinggoy Estrada, nag-sponsor ng panukalang batas na ginagarantiyahan ng panukala ang pagtaas sa araw-araw na sahod ng humigit-kumulang 4.2 milyong minimum wage earners.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng empleyado sa pribadong sektor, agricultural man o non-agricultural, ay may karapatan sa P100 araw-araw na minimum wage increase.

Samantala, nagbabala naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa gitna ng posibleng P100 dagdag-sahod sa mga pribadong sektor.

Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, bagama’t siya ay sumasang-ayon na ang pagtaas ng sahod ay magtataas ng purchasing power ng mga manggagawa, nagbabala ito na maaaring magkaroon din ito ng epekto sa micro at small businesses.

Aniya, karamihan sa mga negosyante ay nabibilang sa maliliit na kategorya.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Laguesma na naghahanap na ang ahensya ng mga posibleng interbensyon upang matulungan ang micro at small business sakaling tumaas ng P100 ang minimum wage. Kris Jose

Previous articleBI personnel sumailalim sa pagsasanay sa dactyloscopy
Next articleNAIA naghahanda na sa mahigit 1 milyong pasahero sa Semana Santa