Home NATIONWIDE Panukalang pagbawi sa SMNI franchise aprub sa Kamara

Panukalang pagbawi sa SMNI franchise aprub sa Kamara

MANILA, Philippines- Sa botong 284 pabor, apat na tutol at apat na abstentions, inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang nagsusulong na bawiin ang legislative franchise na iginawad sa Swara Sug Media Corporation na nag-ooperate bilang Sonshine Media Network International (SMNI).

Ang inaprubahang House Bill (HB) 9710 ang mag-aamyenda sa Republic Act (RA)11422 na nagpalawig sa prangkisa ng SMNI noong Abril 2019 ng dagdag pang 25 taon.

Ang HB 9710 ay inakda nina Reps. Rodge Gutierrez (1-RIDER Party-List), Jude Acidre (TINGOG Party-List), Yevgeny Vicente Emano (Misamis Oriental, 2nd District), Emerson Pascual (Nueva Ecija, 4th District) at Eulogio Rodriguez (Catanduanes, Lone District).

Nag-ugat ang pagbawi sa SMNI franchise sa reklamong pagpapakalat ng fake news, pagkakasangkot sa red-tagging at iba pang corporate offenses.

Una nang inamin ng SMNI na mula sa kanilang dating non-stock, non-profit corporation ay naging sole corporation ito noong 2006 sa ilalim ni Pastor Apollo Quiboloy.

Noong 2023, ang controlling stake ng SMNI ay nailipat kay Bro. Marlon Acobo nang walang congressional approval.

Malinaw na nakasaad sa Section 10 ng RA 11422 na kailangan ng congressional approval kapag may pagbabago sa prangkisa at ipinagbabawal ang sale, lease, transfer, o assignment ng franchise.

Batayan ang kabiguang impormahan ang Kongreso sa pagbabago ng ownership ng prangkisa sa loob ng 60 araw para bawiin ang prangkisa. Gail Mendoza

Previous articleAmihan, easterlies makaaapekto sa ilang bahagi ng Pinas
Next articleTotoy patay sa sariling tatay!