Home NATIONWIDE PAOCC: May sapat na ebidensya na nagtuturo kay Guo bilang illegal POGO...

PAOCC: May sapat na ebidensya na nagtuturo kay Guo bilang illegal POGO ‘enabler’

MANILA, Philippines- Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na may sapat na ebidensya para kasuhan at magpalabas ng arrest warrant laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na inakusahan na isang ‘enabler’ ng isang illegal POGO hub sa kanyang bayan.

Ito ang inihayag ni PAOCC Spokesperson Dr. Winston John Casio.

“We’re fairly confident the panel of prosecutors na magsasagawa ng preliminary investigation dito would appreciate the evidence we did na malakas na ebidensya na hawak namin at tuluyan ng masasampahan si mayora at harinawa ay malabasan na ng warrant of arrest ng sa gayon ay makita ng sambayanang Pilipino na talagang kapag ikaw ay gumawa ng kalokohan with regards to scamming at ikaw ay naging enabler e matutuluyan ka po,” ayon kay Casio.

“That’s the right word for the mayor. Enabler po siya,” dagdag ng opisyal.

Naghain ng reklamo ang PAOCC  at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), araw ng Biyernes, laban sa sinuspindeng Bamban Mayor Alice Guo at iba pa para sa umano’y human trafficking na may kaugnayan sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang munisipalidad.

“Tatlong buwan ho namin inaral ang kasong ito. Ang sabi ng iba medyo napatagal. Ang amin lang po kaya napatagal ay masigurado lahat ng aming isasampa ay didikit. Sayang naman po yung efforts kung nagmadali ka pero yung kaso mo naman naitapon din,” paglalahad ni Casio.

Naniniwala siya na ang paghahain ng reklamo laban kay Bamban mayor ay lumikha ng “chilling effect” para sa ibang illegal POGO operators.

“Remember this is only the first of a series of cases. Actually na nga pala,the first was the case filed by the Department of Interior and Local Government (DILG). As far as PAOCC is concerned it is the first of a series of cases,” ayon kay Casio.

“Hindi mangingime ang komisyon sapagkat maliwanag ang direktiba ng President na sinabi sa among chairman na si Executive Secretary Lucas Bersamin. The President clearly gave us marching orders na zero tolerance tayo dito – wherever the evidence leads us doon tayo pupunta,” dagdag niya.

Nagbabala rin si Casio sa ibang opisyal ng gobyerno na nagkakanlong sa illegal POGO hubs: “If merong mga local government units na nagiging pabaya or local chief executives na naging protektor, who look the other way, so on or so forth, talagang tatamaan ho ng asunto. Hindi pupuede na pabayaan natin kasi mahirap ho na pabayaan sila kasi nababastos na ho ang bayan natin eh.”

Nauna rito, tinanggap ng Palasyo ng Malacañang ang isinumiteng clarification letter ng kampo ni suspended Bamban Mayor Alice Guo.

Naka-address ito kay Executive Secretary Lucas Bersamin na tumatayong Chairman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC, na personal na inihatid ng dalawa nitong legal counsel.

Nakasaad sa pitong pahinang clarification letter ni Guo, napilitan daw itong magbigay ng liham upang tugunan ang mga seryoso at walang basehang paratang laban sa kanya.

Kabilang dito ang pagkakasangkot umano niya sa money laundering, human trafficking, kidnapping at iba pang krimen na may kaugnayan sa Baofu Land Development Incorporated at POGO operations sa Bamban.

Dahil ang mga nasabing paratang ay hindi lang daw nakasisira sa kanyang reputasyon kundi pati sa kanyang kakayahang maglingkod bilang alkalde ng kanilang bayan.

Sa huling bahagi ng kanyang clarification letter, hiniling ni Guo sa PAOCC na magsagawa ng masusi at walang kinikilingang imbestigasyon sa mga nasabing paratang.

Umaasa rin rin ito na mareresolba ng PAOCC ang isyu nang patas, may katarungan, integridad at pagpapahalaga sa katotohanan at hustisya. Kris Jose