MANILA, Philippines- Posibleng may kaugnayan ang pangangailangan ni Vice President Sara Duterte ng confidential funds bilang Education Secretary sa kanyang papel bilang NTF-ELCAC vice chairperson, ayon kay Senator Francis Tolentino nitong Biyernes.
Inihayag ito ni Tolentino bilang tugon sa kritisismo hinggil sa hiling ni Duterte na P150 milyong CF para sa DepED, bukod sa P500 milyong CF para sa OVP.
Bagama’t sinabing nirerespeto niya ang pahayag ni Vice President na ang mga kumokontra sa CF para sa DepEd ay “enemies of the state,” sinabi ni Tolentino na ang pagtugon sa kapayapaan at kaayusan sa bansa ay dapat gawing prayoridad.
Naniniwala umano siyang ang pondong hinihiling ni Duterte ay mapupunta sa NTF-ELCAC.
Samantala, sang-ayon naman si Tolentino na kailangang magkaroon ng mas malinaw na reporting process sa confidential and intelligence funds (CIFs).
“Siguro po yung COA (Commission on Audit) itself, mag-affirm na no irregularity transpired in the utilization of funds,” giit ni Tolentino. RNT/SA