Home OPINION PARA SA SENIORs, PWDs

PARA SA SENIORs, PWDs

SUPORTADO ko ang balak ni Sen. Raffy Rulfo na tanggalin na ang mga “booklet” ng mga Senior Citizen para makakuha ng mga discount sa restaurants, groceries at drugstores. Personal kong nararanasan ang ganitong abala sa pagbili ko ng mga pangangailangan ng aking nanay na ilang taon na rin naman nakikinabang sa benepisyong ito.

Ang malinaw sa sistema, ang mga local government ang dapat mag-isyu ng ID ng isang senior citizen. Isama mo na rin ang  Persons with Disabilities at Single Mothers/Parents sa mga sektor na binibigyan ng mga discount. At kasama sa dapat na ma-issue ng LGUs ay ang booklet kung saan dapat itala o i-record ang bawat item at petsa na ginamit ang discount.

Malinaw din naman sa batas na ito ang kailangan gawin ng mga lokal na pamahalaan at dapat din na sumunod ang mga negosyo o establisyimento sa pagpapatupad nito. Andyan na tayo, dahil nga sa batas, eh dapat sumunod tayo.

Pero sa reyalidad natin ngayon, praktikal pa nga ba na dapat ay mayroon at laging dala-dala ng senior citizen o PWD ang booklet? Madalas pa nang dahil sa edad nila, nakakalimutan nila itong dalhin medyo may lalakihan kasi ang sukat nito. Mabuti ang ID kasi nasa pitaka lang nila nakalagay.

Ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA, meron 9.2 milyong senior citizens noong 2020. Ang bilang naman ng PWDs ay tinantyang nasa 1.44 milyong Pilipino noong 2010. Sa datos ng UNICEF, meron 1.6 milyong bata ang kabilang sa mayroon disabilities noong 2022. Ipagpalagay na lang natin meron 12 milyong Senior Citizens at PWDs na rehistrado ngayong 2024. Kung lahat ‘yan ay hindi na kailangan ng booklet, hindi ba ang laki ng matitipid ng gobyerno?

Ilang puno ang hindi na kailangan putulin para gawin papel para sa mga booklet?

Kung recording lang naman ang pangunahing gamit ng mga booklet, hindi na siguro mahirap utusan ang mga telco na gumawa na sila ng app para sa smartphone na mismo itatala ang mga binibili na gamit ang senior at PWD discounts.

Ibang usapin pa ang seguridad ng online na registration o kung meron ngang smartphone ang mga matatanda o paano magiging mas madali ang paggamit ng mga gadget ng mga may kapansanan. Pero mas mapadadali ang buhay at transaksyon kung hindi na booklet ang gamit.

Pag-usapan na sana ito agad sa Kongreso.

Previous articleAÑO O KHAN?
Next articleKUNG HEI FAT CHOI