TUMAUINI, ISABELA – Binawian na ng buhay ang pulis at isa pang sibilyan na umano’y nabaril habang sugatan naman ang kabaro nitong pulis sa loob ng resto bar sa Brgy. District 2, Tumauini, Isabela.
Nadamay din sa pamamaril ang dalawang sibilyan kung saan isa sa kanila ang binawian din ng buhay.
Kinilala ang sinasabing walang habas na namaril na siya ring nasawi na si Pat. Jackson Acosta, 25-anyos, walang asawa, isang pulis at kasalukuyang nakadestino sa Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, at residente ng Brgy. Rizal, Delfin Albano, Isabela.
Habang sugatan ang nabaril na pulis na si PCpl Neil Baquiran, 33-anyos, may asawa, at naka-assign naman sa Santiago City Police Station, at residente ng Brgy. Lanna, Tumauini, Isabela.
Sugatan din ang waiter sa Bar na kinilalang si Anacleto Arugay, 23-anyos, walang asawa, at residente ng Canzan, Cabagan, Isabela.
Una rito, nag-iinuman sa Resto Bar ang grupo ni Baquiran pasado ala-1:00 ng madaling araw.
Nilapitan umano ni Baquiran at kasama nitong lalaki si Acosta sa kanilang mesa at sa hindi matukoy na dahilan ay bumunot umano si Acosta ng baril mula sa kaniyang sling bag kaya’t hinablot naman ni Baquiran ang bag upang maiwasan ang pag atake ni Acosta.
Batay sa salaysay ng isa sa mga saksi sa pangyayari, nakiusap pa umano ito sa dalawa na huwag manggugulo sa lugar ngunit pinaputukan pa rin umano ng baril ni Acosta ang grupo ni Baquiran dahilan ng kanilang pagkasugat.
Ang lalaking sibilyan na kasama ni Acosta ay agarang namatay sa pamamaril habang sumunod pa ang palitan ng putok nina Baquiran at Acosta.
Dali-dali namang bumaba sa hagdan ng bar si Acosta at nang makitang paparating ang mga personnel ng Tumauini Police Station na reresponde ay pinaputukan niya rin ang mga ito hanggang sa tuluyan na rin itong matumba sa sahig dahil na rin sa tinamong tama ng bala.
Agaran namang nakipag-ugnayan ang Tumauini Police Station sa Provincial Isabela Forensic Unit upang i-proseso ang crime scene.
Hanggang sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kanilang kabaro. Rey Velasco