Home METRO Parak itinangging nakipagkita kay Camilon bago mawala

Parak itinangging nakipagkita kay Camilon bago mawala

MANILA, Philippines – Itinanggi ng suspek na pulis na nakipagkita siya sa beauty queen na si Catherine Camilon bago ito mawala.

Matatandaang sinampahan na ng reklamong kidnapping at serious illegal detention sina Police Major Allan de Castro, ang driver at bodyguard niyang si Jeffrey Magpantay, at dalawang iba pa na iniuugnay sa pagkawala ng beauty queen.

Sa pagtatanong kay de Castro, itinanggi niya na nakipagkita siya kay Camilon bago ito mawala at sinabing nasa Batangas Police Provincial Office (PPO) siya nang gabing mawala si Catherine.

Ayon naman sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na may impormasyon sila na bago pa man mawala si ay pinagbuhatan siya ng kamay ng pulis na sinasabing karelasyon ng beauty queen.

“Sa statement ng kapatid ni Cath na si Chin, nasabi sa kaniya na nasaktan minsan, nasaktan ni Major si Cath physically dahil sa kalasingan at nagsabi daw si Cath sa misis ni Major na meron itong babae,” ayon kay CIDG 4A chief Police Colonel Jacinto Malinao Jr.

Una rito, sinabi ni Police Major General Romeo Caramat Jr., Director, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), may impormasyon din na si de Castro ang katatagpuin ni Catherine nang araw na mawala ang biktima noong nakaraang Oktubre sa Batangas na itinanggi naman ng suspek.

“Allegedly before mawala si Miss Camilon eh siya [de Castro] yung kakatagpuin niya. Gusto nang makipaghiwalay kay Major Alan de Castro and maybe this is one of the reason siguro kung bakit nag-away sila.”

“Wala po siyang inamin tungkol sa tatagpuin sana ni Cath noong gabi na nawala siya. Nasa kampo lang po siya noong time na iyon. Base sa statement niya sa amin, nasa kampo lang siya ng Batangas PPO,” dagdag pa ni Malinao.

Sinisilip ng mga awtoridad ang love angle na posibleng motibo sa pagkawala ni Catherine.

Kamakailan lang, may nakitang pulang SUV na inabandona sa Batangas City, na tugma sa paglalarawan ng mga saksi na umano’y pinaglipatan sa duguang biktima na inililipat ng sasakyan.

May nakita rin umanong hibla ng buhok, bahid ng dugo at lupa na sa pulang SUV na isinailalim na sa pagsusuri. Santi Celario

Previous articleAbalos sa SKs: ‘Wag magtalaga ng secretary, treasurer na kamag-anak
Next articleYear-end bonus, cash gift inilabas na ng DBM