Home NATIONWIDE Parak na lalabag sa EDSA bus way ‘di kukunsintihin ng PNP

Parak na lalabag sa EDSA bus way ‘di kukunsintihin ng PNP

(c) Danny Querubin/Remate News Central

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na hindi nito kukunsintihin ang mga pulis na lumalabag sa mga batas trapiko at regulasyon.

Tiniyak ito ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo matapos mahuli ng mga awtoridad ang kabuuang 514 na lumabag, kabilang ang limang pulis, sa pagsisimula ng pagpapatupad ng mas mataas na multa para sa mga hindi awtorisadong gumagamit ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) bus lane noong Lunes.

“Malinaw naman ang tagubulin ng ating Chief PNP (Gen. Benjamin Acorda Jr.) na hindi natin ito-tolerate ang anumang maling gawain ng ating mga pulis at kung sila ay nahuli, then we will be the first one to encourage the MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) para magsampa ng mga kinakailangang kaso criminal man o administrative case ay sasampahan natin ito dahil obviously, there is a violation of existing laws sa pagdaan sa bus lane na hindi naman authorized ang kanilang lakad,” sabi ni Fajardo sa mga mamamahayag sa Camp Crame, Quezon City.

Itinatakda ng MMDA Regulation No. 23-002 ang mga bagong multa at parusa sa PHP5,000 sa unang paglabag, habang ang PHP10,000 na multa, isang buwang suspensiyon ng lisensya sa pagmamaneho at paglahok sa isang road safety seminar sa ikalawang paglabag.

Ang pag-uulit ng paglabag sa ikatlong pagkakataon ay magreresulta rin sa PHP20,000 na multa at isang taong suspensiyon ng driver’s license habang sa ikaapat na paglabag, ang multa ay PHP30,000 kasama ang rekomendasyon sa Land Transportation Office para sa pagbawi ng lisensya sa pagmamaneho.

Ang mga multa ay ilalapat sa parehong pampubliko at pribadong sasakyan na hindi awtorisadong gumamit ng bus lane.

Nitong Martes, sinabi ng MMDA na umabot sa 107 ang bilang ng mga motoristang nahuli dahil sa hindi awtorisadong pagdaan sa busway, kung saan 42 dito ay motor vehicles habang 65 ay motorsiklo. Santi Celario

Previous article275 bahay sa Davao at Zambo naabo
Next articlePISTON: Transport strike kasado sa Nob. 20-23