MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ng Southern Police District (SPD)ang viral road rage video na muling kinasangkutan ng isang pulis at motorcycle rider sa Barangay Pio Del Pilar, Makati City nitong nakaraang Biyernes (Agosto 25).
Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Roderick Mariano ang sangkot sa panibagong insidente ng road rage na si PSSg Marsan Dolipas, nakatalaga sa Pasay police Substation 4 at ang motorcycle rider na kinilalang si Angelito Rencio, na nagpakilala namang miyembro ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
Base sa isinagawang imbestigasyon, sinabi ni Dolipas na nangyari ang insidente Biyernes ng umaga habang siya ay papasok sa kanyang trabaho lulan ng kanyang minamanehong sasakyan sa kahabaan ng Osmena Highway ay A. Arnaiz Avenue, Makati City.
Sa kanyang salaysay ay sinabi ni Dolipas na muntik na niyang mahagip ang minamanehong motorsiklo ni Rencio at kanyang sinabihan ang huli na mag-ingat sa pagmamaneho.
Sa kabila ng kanyang paalala ay namura pa diumano si Dolipas ni Rencio bago inarangkada ng mabilis na pagtakbo ng huli ang kanyang minamanehong motorsiklo.
Muling inabutan ni Dolipas si Rencio nang mapahinto ng traffic light sa kanto ng Osmena Highway at A. Arnaiz Avenue at muling sinabihan ng pulis ang rider na sumenyas sa kanya ng ‘dirty finger’ sabay pakita ng kanyang nakasukbit na baril sa kanyang tagiliran.
Sa pagkakataong ito ay hindi na pinalampas ni Dolipas ang pambabastos na ginawa sa kanya ni Rencio na agad na bumaba ng kanyang sasakyan at nagpakilalang pulis bago niya hawakan ang baril ng rider para sa kanyang seguridad na siya namang nakuhanan ng video ng mga motorista na nag-viral naman sa social media.
Makaraan ang insidente na nagviral sa social media ay humingi si Dolipas ng assistance sa Makati City Police Substation 3 kung saan isinurender ni Dolipas ang baril ni Rencio at nagpatuloy ang imbestigasyon sa pangyayari.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ay kinuwestyon ng SPD ang pagpapauwi kay Rencio upang kunin ang mga dokumento ng kanyang dalang baril na kinalaunan ay napag-alaman na hindi sa kanya nakarehistro ito at pag-aari ng ibang tao.
Sa lapses na nagawa ng mga tauhan ng Substation 3 ay sinibak ng SPD sa pwesto ang station commander ng istasyon at desk officer na nagpauwi kay Rencio habang sasampahan naman ng kaukulang kaso ang motorcycle rider na si Rencio.
Sa pangyayaring ito ay nakiusap si Mariano sa publiko na huwag basta na lng husgahan ang isang tao base sa nakuhanan ng video na tulad ng sa kaso ni Dolipas.
“We appeal to the public to refrain from making hasty judgments solely based on a video clip. It is imperative to seek comprehensive understanding of the entire incident, including the events that transpired before and after the video was taken. As law enforcement agencies, we are committed to conducting thorough and impartial investigation to gather all relevant facts and establish an accurate sequence of events.” ani pa Mariano. (James I. Catapusan)