MANILA, Philippines – Pinangalanan bilang Vicar General at Vice Moderator Curiae ng Archdiocese of Manila si dating Manila Cathedral rector Fr. Reginald Malicdem.
Ayon sa sirkular na inilabas ng Chancery office nitong Huwebes, Pebrero 9, itinalaga ni Jose Cardinal Advincula ang pari sa kanyang bagong puwesto.
“I am pleased to inform you that His Eminence Jose F. Cardinal Advincula appointed Rev. Fr. Reginald R. Malicdem as Vicar General and Vice Moderator Curiae of the Archdiocese of Manila,” sabi ni Vice Chancellor Fr. Carmelo Arada, Jr.
Magiging epektibo ang pagkakatalaga ni Fr. Malicdem sa Pebrero 15, 2023.
Bilang Vicar General, si Malicdem ay tutulong sa Arsobispo sa pamamahala ng archdiocese.
Sa kabilang banda, bilang Vice Moderator Curiae, kasama ang Moderator Curiae, ang pari sa ilalim ng awtoridad ng obispo upang ayusin ang mga bagay na nauukol sa pagtrato sa mga gawaing administratibo at pangalagaan ang iba pang mga miyembro ng curi na tuparin ng maayos ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanila.
“Rev. Msgr. Jose Clemente Ignacio will continue to serve as Vicar General and Moderator Curiae of the Archdiocese of Manila,” saad sa circular.
Nagsilbi bilang rector ng Manila Cathedral si Malicdem mula Hulyo 2015 hanggang Nobyembre 2022.
Siya ay chaplain ng Our Lady of Hope Landmark Chapel at SM Makati Chapel, parehong nasa lungsod ng Makati.
Siya rin ang Archdiocesan spokesperson matapos siyang italaga ni Advincula sa posisyon ngayong taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden