HINDI man naging maganda ang resulta nang pabalik-balik ng Pakurot sa National Capital Region Police Office upang manghingi ng mga pulis bilang blood donors sa ginanap na Blood Letting Activity ng Pasay City Host Lions Club kahapon, pasalamat naman ang nais kong igawad sa pamunuan ng NCRPO Regional Mobile Force Battalion.
Naiintindihan po ng inyong lingkod na napakarami nang lumalapit sa NCRPO upang manghingi ng blood donors dahil nga sa dami ng bilang ng mga pulis na nakatalaga rito maliban pa sa trainees. Maging ang Camp Crame headquarters ay sa kanila rin minsan nanghihingi ng mga donor.
Hindi man tayo napagbigyan sa hiling na makapagbigay sila ng blood donors ay hindi masama ang loob ng inyong lingkod sapagkat napatunayan pa rin naman na sa oras ng pangangailangan ay may mga kaibigang opisyal na matatawagan.
SALAMAT! Malaking pasasalamat ang ipinaabot ng Pakurot at ng Pasay City Host Lions Club kina PCol. Jonathan Calixto, commander ng RMFB-NCRPO, at PMaj. Edgardo Tiglao, chief Battalion Community Affairs Section, at sa inyong mga tauhan na hindi kinabahan at handa muling magbigay ng dugo nang makita ang pediatric cancer patients ng Philippine General Hospital na pag-aalayan nila ng kanilang dugo.
Napatunayang hindi lang para sa kaayusan at kapayapaan ang nais na ibahagi ng mga pulis subalit pwede rin silang maging bayani sa usapin ng kalusugan at pagtulong sa kapwa.
Kaya naman sa mga nagbahagi ng kanilang dugo para sa kaligtasan at kalusugan ng mga batang may sakit, saludo kami sa inyo. Para sa inyong lingkod, pawang ‘hero cops’ sina Col. Calixto at kanyang mga tauhan sapagkat bidang-bida sila sa mga magulang ng mga batang maililigtas o masasagip nila dahil sa ang kanilang dugo ang magdurugtong sa buhay ng mga bata.
Kahanga-hanga ang mga katulad ni Col. Calixto na hindi nagdadalawang-isip kapag hiningian ng tulong. Aniya, basta para sa ikabubuti ng lahat, handa siyang tumugon sa tawag ng pangangailangan. Muli, maraming Salamat sa inyo.
Salamat din sa mga sibilyan, kaibigan at kakilala walang takot na nagbigay ng dugo para lang sa kaligtasan ng mga batang tinamaan ng kanser.
Hindi na kinailangang suyuin o pilitin ang mga donor na ito sapagkat nasa puso nila ang pagtulong at pagnanais na mapahaba at mailigtas ang mga batang sa murang edad ay timaan na ng malubhang sakit.
Samantala, isang pagbati ng CONGRATULATIONS ang nais ipahatid ng Pakurot sa PCHLC lalo na sa presidente nitong si G. Fred Cabalbag, Leo President Tenten Cabalbag at sa chairman ng cancer committee na si PP Zeny Chingkiat. Congrats din siyempre sa mga nakibahaging past presidents ng PCHLC na sina PP Sammay Yuquico, PP Larry Feliciano at PP Allan Co.
Siyempre sa mga miyembro na walang sawang nakikiisa at tumutulong sa mga proyektong kapakipakinang para sa kapwang nangangailangan.
Marami na ang inyong lingkod na sinamahang grupo kaugnay sa blood letting subalit isa ang activity itong na pinangunahan ni PP Zeny na kinilabutan ako at tumulo ang luha dahil sa pagiging totoo ng mga taong ‘involve’ sa activity.
Concern ang grupo hindi lang sa mga batang pasyente subalit maging sa mga donor ng dugo.