MANILA, Philippines – Nasa 80 indibidwal mula sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na nilusob ng mga awtoridad sa Pasay City noong Agosto ang ipadedeport na.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Anti-Organized Crime Commission Undersecretary Gilbert Cruz.
Ani Cruz, ito ang unang batch ng deportation sa POGO workers.
Mula sa Rivendell POGO hub, ibiniyahe ang mga ito patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 at uuwi na pabalik ng Nanning City, China.
Nalulungkot naman ang legal counsel ng ilan sa mga POGO worker, na si Atty. Gloria Quintos, sa pangyayaring ito.
“I just feel sad kaya di ko na inalam if may na add pa sa 76 and naging 80. Most of them [are] my clients,” ani Quintos.
Samantala, ang susunod na pagdinig sa mga reklamong inihain laban sa 29 sa POGO workers ay nakatakda sa Setyembre 27.
Dalawamput-walo sa mga manggagawa ang naghain ng “not guilty” plea sa mga kaso laban sa kanila. RNT/JGC