MANILA, Philippines- Dapat imbestigahan ang hepe ng Pasay City police at commander ng sub-station ng lugar kung saan sinalakay ng mga awtoridad ang isang unlicensed online gaming hub sa umano’y sex trafficking, dahil sa kawalang-aksyon, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. nitong Linggo.
Sa isang liham kay Police Gen. Benjamin Accorda Jr., Philippine National Police chief, inirekomenda rin ni Abalos na tanggalin sa pwesto ang commander at mga tauhan ng police sub-station, alinsunod sa Commission on Election guidelines sa paglilipat sa election period.
“It is highly improbable to think that an entire six-story building essentially dedicated to criminal activity, involving almost 600 potential victims, could somehow escape the notice of the local Sub-Station Commander,” ani Abalos.
Napaso ang lisenya ng kompanya noong Setyembre, subalit patuloy pa rin ang operasyon nito. Mahigit 700 trabahador ang nasagip sa raid sa kompanya, na ayon sa mga awtoridad ay nag-aalok din ng mga ilegal na serbisyo.
Malapit ang Pasay Police Station 1 sa F.B. Harrison at Williams Streets, kung saan naganap ang raid sa Philippine Overseas Gaming Operator Smart Web Technology Corp.
Mayroon ding 10 sub-stations ang Pasay City police sa siyudad, kabilang ang isa sa Roxas Boulevard.
“The trafficking of human beings is a horror that we must stamp out. Any complicity by government agents in this modern-day evil cannot be tolerated,” giit ni Abalos.
Nadiskubre ng raiding team ang ilang pasilidad, kabilang ang mga kwarto, KTV area, spa na nag-aalok ng ilegal na serbisyo, clinic, canteen, mini-grocery store, at silid na tinatawag na “aquarium,” kung saan umano namimili ang mga dayuhan ng babae.
Nakita rin nila ang isang “menu” na nakasulat sa Chinese, kung saan makapipili ang mga kliyente ng iba’t ibang sexual services. RNT/SA