Home OPINION PASKO AT ANG MUSIKANG FILIPINO

PASKO AT ANG MUSIKANG FILIPINO

Ang Pasko sa Pilipinas ay hindi lamang pagdalo sa mga Simbang Madaling Araw, pagtitipon ng mga angkan at pamilya, at pa-istaran sa hapag kainan ng masasarap na putahe, kundi ito rin ay panahon ng kagalingan sa musika nating mga Filipino.

Dahil ang musika ay naisusulat at nalilikha batay sa damdamin ng panahon, hindi kataka-takang napakaraming awiting Filipino ang tungkol sa Pasko. Kakambal na ng ating lahi ang musika, kaya nga taguri sa atin ay “Musical Philippines.”

Unang araw pa lamang ng Setyembre ay umaalingawngaw na sa mga istasyon ng radyo ang mga nakasanayan at hindi malilimutang mga awit Pamasko na likha ng mga kompositor at mang-aawit na Filipino.

Isa sa sinasabing pinakamatandang awit ukol sa kapaskuhan ay “Ang Pasko ay Sumapit” na unang naisulat sa Cebuano nina Vicente Rubi at Mariano Vesti noong 1933, ngunit higit na naging popular matapos lapatan ng lirikong Tagalog ni Maestro Levi Celerio, National Artist for Music, at inawit ni Ruben Tagalog noong 1950.

Taong 1946 naman nang magkaroon ng sarili nating bersyon ang “Silent NIght” na pinamagatan nating “Payapang Daigdig” na likha ni Felipe P. de Leon, National Artist for Music, kasama sina Eduardo de Leon at Brigido Batungbakal.

Naging popular naman noong 1962 ang awiting “Mano po, Ninong, Mano po, Ninang” na inawit ng Mabuhay Singers sa ilalim ng pagkumpas nina Ador Torres at Manuel Villar, Sr.

Kinagiliwan din nating mga Filipino ang mga awiting “Pasko na Naman” (1965), “Pasko na Sinta ko” (1976), “Miss kita kung Christmas” (1978), “Christmas in our Hearts” ((1990), at marami iba.

Umikot ang mga awit sa iba’t ibang aspekto hindi lamang ng kapaskuhan kundi maging sa damdaming taglay, may para sa Panginoon, may para sa mga pusong sugatan, mga Ninong at Ninang na hinahabol tuwing Pasko, at tradisyon. Isa na rito ang “karoling” ng mga bata, grupo, at mga institusyon, sa mga ta¬≠hanan, kalye, opisina at iba pa.

Ano’t ano man ang damdaming taglay ngayong Pasko, ito ay napapalitan ng ngiti at kagalakan dala ng musikang Pamasko na tumutugtog sa telebisyon, radyo o videoke man. Tunay na bawal ang makadama ng lungkot sa Kapaskuhan.

Previous article2 drug suspect inabswelto ng SC sa ‘di pagsunod ng PDEA sa chain of custody
Next articleLAHAT NG KABUTIHAN SA MUNDO