Home OPINION PASKO NI DE LIMA

PASKO NI DE LIMA

NGAYONG Pasko, nai-imagine ko ang nararamdamang saya ni dating Senator Leila de Lima, sinulit ang kaligayahan ng okasyon matapos siyang payagang magpiyansa. Ilang araw makaraan ang dikta ng konsensiyang pagbawi ni retired P/BGen Jerry Valeroso sa tinawag niyang “mga kasinungalingan” laban sa dating senador, mayroon na tayo ngayong mas malinaw na ideya sa mga kumplikasyong maiuugnay sa natitirang kaso ng iligal na droga.

Ang nakae-excite sa kwentong ito ay hindi lamang ang pagbawi ni Valeroso sa kanyang testimonya kundi ang paglutang ng pitong iba pang mga testigo para pasinungalingan ang mga nauna nilang testimonya, sinabing tinakot at pinuwersa lang daw sila. Habang patuloy na nalalantad ang mga nakaiintrigang detalye sa kwentong ito, mas nagiging malinaw na kuwestiyonable ang pundasyon ng mga kasong ito.

Ang katatagan ni De Lima sa harap ng mga pagsubok na ito at ang kanyang determinasyong ipaglaban ang hustisya ngayong isa-isa nang bumabaligtad ang mga nagdiin sa kanya ay nagbibigay-diin sa importansiya ng kanyang pansamantalang paglaya sa bisa ng piyansa. Ang hindi nagmamaliw na tiwala niya sa prosesong ligal, ngayong kusang bumabaligtad ang mga testigo, ay nagpaningning sa katatagang bihira nating mamalas.

Ngayong Pasko, ipinagdiwang niya ang kanyang kalayaan habang patuloy siyang lumalaban bilang simbolo ng katapangan para sa mga naniniwala sa paninindigan sa katotohanan, kahit pa sa gitna ng pinakamatitinding hamon.

Nagniningning ang walang tinag na paninindigan ni De Lima sa katarungan.

Ang doble-karang China

Sa isang nakamamanghang pagpapakita ng kapangahasan, idineklara ni China Foreign Minister Wang Yi na dapat daw maghinay-hinay ang Pilipinas sa mga ginagawa nito at humarap sa isang pag-uusap upang tugunan ang lumalalang tensiyon sa South China Sea.

Gayunman, ang lumalabas na diplomatikong apela na ito para sa dayalogo ay sinabayan ng galawang kabaligtaran ng mga barko ng China na mas lalong nagiging agresibo laban sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Ang babala ni Wang Yi, samahan pa ng mga walang basehang akusasyon ng banggaan, ay umaalingasaw sa kaipokritohan at lantarang pananakot.

Habang nakatutok ngayon ang Pilipinas sa paghahakot ng suporta mula sa mas malalakas nating kaalyado kaugnay ng mga ginagawa ng China, ang pagtatangka ng Beijing na ibaling sa atin ang sisi at magpalabas nang hindi direktang pagbabanta ay nagpapakita nang kawalang respeto sa tunay na kahulugan ng diplomasya. Dapat aminin ng China ang mga agresibong aksyon nito bago magbato ng sisi sa iba habang nagmumungkahi ng dayalogo. Ang pagiging doble-kara nito ay nagpapasadsad lalo sa kredibilidad ng panawagan ng China para sa isang mapayapang resolusyon.

Pag-isipang muli ang PUVMP

Kapuri-puri ang pagsisikap ng Public Utility Vehicle Modernization Program  na iangat ang kalidad ng pampublikong transportasyon, pero nagdudulot ng pagkabahala ang kasalukuyang paraan ng pagpapatupad nito. Ang mandatory consolidation requirement ay naglalagay sa alanganin sa kabuhayan ng 140,000 tsuper at 60,000 operators na karamihan ay walang kakayahang bumili ng kapalit na mas modernong sasakyan.

Ang biglaang phaseout ng mga jeepney, ang pangunahing ikinabubuhay ng maraming komunidad, ay wala sa katwirang pumapabor sa mga korporasyong may kakayahang pinansyal.

Ang inapurang year-end deadline, sa harap ng posibilidad na maramihan ang mawalan ng pagkakakitaan, ay nagpalutang ng mga katanungan tungkol sa reyalidad na kaakibat ng programa. Ang pagkawala ng masasakyan ng 28.5 milyong pasahero sa Enero 2024 ay maaaring mauwi sa krisis sa transportasyon.

Dumulog sa Korte Suprema ang grupo ng mga jeepney drivers at operators, ang PISTON, upang kuwestiyunin ang ligalidad ng PUVMP. Tamang hakbangin ito upang masigurong hindi nalalabag ng programa ang karapatan ng mga tsuper sa pagbubuklod-buklod at sa pagkakaroon ng kabuhayan.

Importanteng mayroong mas komprehensibo at mas inclusive na estratehiya sa pagtugon sa magiging problema sa kabuhayan ng mga drivers at operators habang responsableng isinusulong ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Previous articleIPINADAMA ANG DIWA NG PASKO SA MGA NASUNUGAN AT MAHIHIRAP NA PAMILYA
Next article‘OPLAN PAG-ABOT’ BRINGS JOY TO FAMILIES THIS CHRISTMAS