Home METRO Paslit patay sa bugbog ng ama?

Paslit patay sa bugbog ng ama?

495
0

MANILA, Philippines- Masusing iniimbestigahan ngayon ng Manila Police District (MPD) ang pagkamatay ng isang 7-anyos na babae na umano’y binugbog ng sariling ama sa Tondo, Manila.

Sa salaysay kay PCMS Joseph Kabigting, imbestigador ng MPD-Homicide Section, ng ina ng biktima na si Karen Napacia y Abanes, 26, residente ng Sto. Niño St., Tondo, galing ito sa pamimili ng gamit sa paaralan ng anak nang mapansin na inaapoy ito ng lagnat.

Sinabi rin umano sa kanya na masakit ang leeg at kanyang tagiliran kaya agad niyang ipinahilot ngunit dahil walang pagbabago ay nagpasaklolo na ito sa lola ng bata para dalhin ito sa ospital, ilang araw na ang nakalilipas.

Ayon kay Abanes, walang pag-amin ang kanyang anak na sinaktan siya ng sariling ama ngunit base sa iniwang sulat ng suspek, humingi ito ng tawad at inamin na nasaktan ang anak at kung ano ang magiging desisyon ng ginang ay kanyang haharapin.

Batay naman sa hiwalay na panayam kay Aling Margarita, lola ng biktima, inamin din umano ng bata sa kanya na binugbog siya ng ama dahil lamang sa kulang na sukli.

“Inutusan daw siya ng papa niya na bumili sa tindahan dala niya 37 pesos at ang sukli pinakialaman niya pmbi sana ng tinapay na ube, ayon binugbog, sinapok sa ulo at batok,” pahayag ng lola ng biktima na si Margarita nang tanungin umano niya ang apo kung bakit siya sinaktan ng ama.

Sa pahayag din umano ng doktor sa Tondo General Hospital, inamin din ng bata na sinakal siya at pinagsusuntok ng ama.

“Tinanong din ng doktor yung bata kung bakit hindi nagsumbong sa nanay, ang sabi niya daw kaya hindi nagsumbong sa nanay kasi sasabihin lang sa kanya na sinungaling siya,” ayon pa sa kwento ng lola.

Sa ngayon ay pinaghahanap na ng pulisya ang ama ng bata na si Carlo Lloren y Unabia alyas Carlo Danni, 32, upang harapin ang umano’y pambubugbog sa bata.

Sa kabila nito, hinihintay pa ang autopsy report ng biktima upang mabatid ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng bata.

Ayon kay Abanes, itutuloy niya ang kaso sakaling lumabas sa autopsy na pambubugbog ng asawa ang dahilan ng agarang pagkamatay ng kanilang anak. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleEO na nagpapalawig ng moratorium sa pagbabayad sa agrarian debts, nilagdaan ni PBBM
Next article100 OFWs sa Taiwan sasanayin sa pagsasaka

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here