MANILA, Philippines – Kasunod ng magnitude 5.0 na lindol sa Calaca, Batangas, inanunsyo ng Muntinlupa City na suspendido na ang pasok sa lahat ng antas sa pampublikong paaralan sa lungsod ngayong Biyernes, Oktubre 13.
Sa post sa Facebook ni Mayor Ruffy Biazon, sinabi nito na ang suspensyon ng klase sa lungsod ay para magbigay-daan sa inspeksyon ng mga gusali ng pampublikong paaralan.
“Ipinag-utos ko ang inspeksiyon para i-check ang integridad ng mga gusali ng public schools sa lungsod,” ani Biazon.
Nakabatay na sa desisyon ng mga pamunuan kung sususpendihin din ba ang pasok sa mga pribadong paaralan.
Nitong Biyernes ng umaga, naramdaman ang Intensity IV ng lindol sa Muntinlupa City.
Nag-anunsyo rin ng suspensyon ng klase ang ilang mga lugar na apektado ng lindol partikular na sa Batangas. RNT/JGC