Home METRO Pastor na nanutok ng baril sa road rage sa Rizal, kulong!

Pastor na nanutok ng baril sa road rage sa Rizal, kulong!

MANILA, Philippines – Arestado ang isang 59-anyos na pastor ng mga miyembro ng Rodriguez Rizal Police kasunod ng insidente ng road rage noong Marso 16, kung saan bumunot siya ng baril at nagbanta sa isa pang motorista, sabi ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO).

Kinilala ng pulisya ang suspek na si “Genaro,” residente ng Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ng pulisya, binabaybay ng biktimang isang 44-anyos na call center agent ang kanyang motorsiklo sa may Mayon Avenue Extension nang muntik silang magbanggaan ng suspek na nagmamaneho noon ng kanyang Hyundai Veloster. Ito ang nagtulak sa suspek na bumaba sa kanyang sasakyan at bumunot ng baril sa biktima.

Matapos itutok ang baril sa biktima, tumakas si Genaro sakay ng kanyang sasakyan patungo sa direksyon ng Sub-urban Village sa Barangay. San Juan.

Agad namang humingi ng tulong sa pulisya ang biktima kung saan nagsagawa ng follow-up operation na humantong sa pagkakaaresto kay Genaro.

Narekober sa kanya ang isang .45 caliber pistol na may dalawang magazine at 39 piraso ng live ammunition.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Rodriguez Municipal Police Station at kasalukuyang nahaharap sa kasong Grave Threat at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. RNT

Previous articleP1.75B winasak ng El Niño sa sektor ng agrikultura
Next articleMAHAHALAGANG BENEPISYO NG SSS SA MGA MIYEMBRO