Home OPINION PATAY KANG BATA KA, PAGMOMOTORSIKLO

PATAY KANG BATA KA, PAGMOMOTORSIKLO

DALAWANG malagim na pangyayari sa pagmomotorsiklo ang naganap nitong nagdaang mga araw.

Halos magkasabay na naganap ang pangyayari.

Ang isa, napugutan makaraang makipagbanggaan sa ibang sasakyan sa Opol, Misamins Oriental.

Namatay naman ang isa sa ibabaw ng hood ng isang sasakyan na kanyang nakabanggaan sa Makati City.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Elpidio Magpulong sa unang kaso, 59, residente sa Cagayan de Oro habang hindi naman nakilala agad ang biktima sa ikalawa.

ISANG PANGYAYARI

Bukod sa pakikiisa natin sa mga biktima sa kanilang malagim na sinapit sa mga lansangan, mahalagang pag-usapan din ang mga pangyayari para makakuha ng leksyon.

Ang unang biktima, sinasabing may inoberteyk, lumagpas sa boundary sa gitna ng kalsada, pumasok sa linya ng kasalubong at braaaaaang!!!

Isang pampasaherong jeepney ang nakasalubong nito na nasa tamang linya at huli na ang lahat para sila’y umiwas sa isa’t isa.

Sa lakas ng impact, nawasak ang motorsiklo, tumilapon ito at natagpuan ang rider na hiwalay na ang ulo sa katawan nito.

Pero ang isa pang masamang kaugnay ng balita, nakainom umano ang napugutan.

Dahil nakainom, nawala sa katinuan, nakalilimutan ang maraming patakaran at batas sa pagmamaneho gaya ng overspeeding ng driver.

Maswerte lang ang ibang lasing na hindi alam kung paano nakauwi.

IBANG PANGYAYARI

Umagang-umaga nang mangyari ang ikalwang kaso at naganap makaraang maghatid umano ang biktima ng isang anak sa Ortigas.

Pauwi na at nasa Amang Rodriguez Avenue ito nang mabangga nito ang pakaliwang sasakyan.

Ayon sa ilang nakasaksi, napakabilis umano ang takbo ng rider.

Dapat umano siyang nagdahan-dahan lalo’t kanto ang lugar at may gumagana pang traffic light.

Gumagana rin umano ang signal light ng four-wheel nang maganap ang banggaan.

Kung saan man patutungo ang kasong ito, depende na sa imbestigasyon ng mga pulis.

Pero lumitaw na hindi nakapagpreno agad ang motor rider hanggang sa mabangga nito ang sasakyan.

Nawalan ba ng preno ang nakamotor o kaya’y nablangko habang nagmamaneho?

LAGING TALO

Ayon sa rekord ng Highway Patro Group, mga Bro, sa buong taong 2022, may 8,000 aksidente sa motorsiklo na naitala at mula Enero hanggang Abril, mahigit 4,000 ang motorcycle accident.

Karaniwang may kabangga at marami ring kaso ang self-accident.

Ilan kayang motorcycle accident ang magaganap sa buong 2024?

Sa Metro Manila, sa ating mga interbyu, maraming aksidente dahil sa mga depektibong stoplight gaya ng napakabilis at biglang pagpapalit ng green o go sa red o stop.

May mga nababangga sa puwitan dahil sa biglaang paghinto o kaya’y nakababangga sa unahan o sa gitna dahil sa pag-arangkada ng mga nasa go at pagkahuli sa go mula sa biglang stop dala ng red signal light.

Anak ng tokwa, dapat na ayusin ng gobyerno ang mga traffic signs o signals o disenyo ng mga kalsada o kalagayan ng mga kalsada at huwag isisi lagi sa mga mamamayan ang mga aksidente.

Ang malaking tandaan, mga Bro, ke tama o mali ang mortocycle riders, pag bumangga o binangga, talo lagi sila.

Mag-ingat na lang sila nang husto.

Previous article198, ANO ANG BILANG NA ‘YAN?
Next articleGuilty verdict vs pumatay kay Ranara pinagtibay ng Kuwaiti appellate court