Home OPINION PATAY KANG KAP KA AT IBA PANG ISTAYL

PATAY KANG KAP KA AT IBA PANG ISTAYL

ILAN ba ang nabilang ninyong kandidatong kapitan na pinatay sa nakalipas na mga araw bago ang halalan ngayon?

Dito sa ating dyaryong Remate, araw-araw nating iniuulat ang mga pagpatay.

Baka meron pa ring papatayin matapos ang halalang ito.

Pero hindi lang mga kapitan ang ipinatatawag kay Lord,

Maging ang mga kagawad, araw-araw ring may nababalitaang pinagpapahinga nang tuluyan.

PINAKAEPEKTIB

Pinakamarumi at pinakaepektibong istayl ito sa pulitika dahil wala nang kalaban ang nagpapatay.

Meron ding mga sumasakay lang sa patayan gaya ng mga terorista dahil ito ang kanilang pagkakataon…ang pangangampyang house to house ng mga kandidato.

Inaambus din ang mga kandidato sa daan o dinudukot o basta tinitira sila sa miting de avance.

WAEPEK ISTAYL

Ang pagmamarites, waepek.

Kahit daanin pa sa social media o iba pang media.

Pero siyempre, kung totoo, epektib pa rin ito laban sa may isyu, gaya ng pagkakaroon ng konek sa droga o korapsyon.

Wala kang maitatago sa barangay.

Ang vote buying, waepek din.

‘Yung may pinakamaliit na bigay, lalo na, talo.

At lalong talo ang walang maibigay.

Heto ang kanti ng mga botante sa bigayan o vote buying.

Kung mga araw ng pamimigay ng ayuda, walang maibigay ang mga kandidato at kung meron man, merong mga nilalagpasan.

Pero kung araw ng halalan, meron pala para sa lahat.

Ang tinatanong lang: Ilan kayong botante rito?

Pagsagot mo, bilangan kaagad sabay abot ng “ayuda.”

SUNDO RITO, HATID DOON

Sa malalaking barangay, aba, wais ang mga kandidato.

Ang daming umiikot na sasakyan para pangsundo mula sa bahay at paghatid pabalik sa kanilang mga bahay ng mga botante.

Door-to-door na nga ang hatiran at libre sakay na, may pamasahe at pamiryenda pa sila.

Malas lang ang mga walang atik at pagsundo’t paghatid.

PRAYERS EPEKTIB DIN?

Naku, pati relihiyon, nadadamay.

May mga lugar namang kung nakita ka ng mga botante na nagpe-praise the Lord, hallelujah, at amen, talo ka na o panalo ka na.

Pero nakapaninindig-balahibo na kahit hindi hinihingan ang mga kandidato ng mga lider panrelihiyon, kailangang maglabas sa bulsa at isosobre ni kandidato ang kanyang abuloy para sa simbahan.

May mga kandidato ring kusang nagbibigay nang kusa sa mga simbahan at mga gawain ng mga ito para lang mapansin, kapalit ng dasal ng pastor, pari, prayer warriors, diakono at iba pa.

Sa pulitika, walang separation of the church and state.

Dinaraan sa suhol ang diyos.

Huwag naman ganu’n!

DISKWALIPIKASYON?

Siyempre pa, epektib din ang diskwalipikasyon pero dumaraan ito sa ligal na proseso.

Malas lang ang mga idinideklara ng Commission on Elections na nuisance candidate.

Karaniwan namang nagtatagal ang kaso na ganito at tapos na ang termino ng nanalong diskwalipikado bago siya ideklarang diskwalipikado nga.

Meron ngang tsismis na may mga kandidatong hindi kaagad idinedeklarang panalo o kaagad na idinideklara kahit hindi pa tapos ang botohan.

If the price is right.

Anak ng tokwa, ano ba yaaaaaan!

Previous articleTUNAY NA SERBISYO PARA SA MGA BICOLANO
Next articlePagboto ng seniors, PWDs, mga buntis sa ilang lugar umarangkada na!