MAHILIG ka bang kumain ng karneng baboy?
Halimbawa, ham, lechon, chicharon, menudo, pata tim.
Kung ganu’n maaga kang mamamatay dahil maaaring aatakehin ka sa puso.
Sa rami ng taba ng karneng baboy, pumupuslit ang taba sa ugat na daluyan ng dugo at babarhan nito ang pagdaloy ng dugo.
Nakakita o sumalik na ba kayo sa pagkalkal ng mga kanal na daluyan ng mga galing sa kusina?
Naku, kitang-kita kung gaano kumakapit sa imburnal ang mga taba ng baboy, kasama ang sa baka, manok at iba pa kaya nagbabara ang imburnal.
Hindi na tuloy dire-diretso ang mga tubig patungo sa dapat nilang patunguhan at lumilikha ng baha.
Ganyan din ang nangyayari sa ugat na sinasabing sumasambulat o pumuputok sa pagbara ng taba rito.
At sa pagputok ng ugat, nagkakaroon na ng internal bleeding o pagdaloy ng mga dugo sa kung saan-saan at kasunod na nito ang paghahatid sa iyo ng musikero patungo sa dako roon.
PUSONG BABOY KA NA
Pero, sabi ng mga doktor, huwag kang mag-alala dahil sa baboy ka rin mabubuhay.
‘Yang puso mo na nagkasakit sa kakakain mo ng karneng baboy, papalitan ng puso ng baboy.
Kaya kung naatake ka sa puso at malapit ka nang makipagkita kay Lord sa tugtog ng mga musikero o banda, pumunta ka lang kay dok at magpapalit ng puso at puso ng baboy ang ipapalit diyan.
Dalawang beses nang isinagawa ang pagpapalit ng puso ng baboy sa University of Maryland Medical Center.
Nitong 2022, si David Bennett, 57, ang unang nagkaroon ng pusong baboy na itinanim sa kanya kapalit ng nagkasakit niyang puso.
At nabuhay siya ng dalawang buwan.
Kamakailan lang, sumunod si Lawrence Faucette, 58, at ngayo’y masaya siyang nakikipagkwentuhan nang walang anomang nakakabit sa kanya upang makahinga.
Inaasahang mabubuhay si Faucette nang matagal dahil tagumpay na naalis ng mga doktor ang virus na nagtatago sa loob ng puso ng baboy.
Sa kaso ni Bennett, may natagpuang virus sa puso ng baboy na sumira rin sa nasabing puso.
LABIS NA KAKULANGAN NG PUSO
Problema sa Amerika ang labis na kakulangan ng magandang puso na ipapalit sa puso ng mga inaatake sa puso.
Nasa 17 ang namamatay araw-araw dahil sa kawalan ng pusong pamalit sa naatakeng puso at nagmumula ang mga ito sa 3,354 na pasyenteng naghihintay ng bagong puso.
May nakalistang nasa 113,000 na gustong magpapalit ng puso, kasama ang 3,354 ngunit kakaunti ang nagdodonasyon ng puso.
Kaya bumabaling na ang mga doktor at ospital sa puso ng baboy bilang pamalit sa tunay na puso ng tao.
O gusto niyong magpapalit ng naatake ninyong puso?
Pumunta na kayo sa Amerika at magpapalit ng puso pero tiyakin lang ninyo na hindi kayo aatakehin sa puso sa gastos para rito.
Hehehe!