MANILA, Philippines – Tinatayang umabot na sa 44 katao ang napaulat na namatay dahil sa masamang panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa simula nang magsimula ang taon.
Sa 6 a.m. report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na may 14 na katao ang napaulat na namatay sa Bicol, 12 naman sa Zamboanga, 8 sa Northern Mindanao, 7 naman sa Eastern Visayas, at tig-isa sa Mimaropa, Davao at Soccsksargen.
“Only 20 of the reported fatalities have been confirmed so far,” ayon sa NDRRMC.
Samantala, may 8 katao naman ang napaulat na nawawala at 11 ang nasaktan dahil sa matinding epekto ng masamang panahon, bunsod ng low pressure areas, shear line, at northeast monsoon.
Sinabi ng NDRRMC, may 2,047,222 katao o 497,774 pamilya ang apektado ng masamang panahon sa Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa apektadong populasyon, may 7,189 katao o 1,741 pamilya ang nananatili sa 74 evacuation centers.
May kabuuang 1,888 bahay ang napaulat na napinsala kung saan may 1,325 partially damage habang 563 naman ang totally damage.
Ang pinsala naman sa agrikultura ay nagkakahalaga ng P1,059,352,780 habang sa imprastraktura nmaman ay umabot sa P521,914,324.
Ang pinsala naman sa National Irrigation Administration ay umabot sa P25,939,969 halaga ng pinsala.
Ang state of calamity ay idineklara sa 86 lungsod at munisipalidad.
Ang halaga ng tulong na naibigay sa mga biktima ay umabot na sa P114,473,053, ayon sa NDRRMC. Kris Jose