Home OPINION PATAYAN AT SHABU SA HALALANG BSKE

PATAYAN AT SHABU SA HALALANG BSKE

PAISA-ISA man ang mga kasong patayan at droga kaugnay ng halalang kaugnay ng Barangay Council and Sangguniang Kabataan elections ngayon, nakababahala pa rin.

Kabilang sa mga pinakahuling pagpatay ang kay Arnel Flor Mata, kandidatong kapitan, ng Brgy. Bayaoas, Pangasinan.

Katatapos lang niyang maglatag ng kanyang plataporma sa miting de avance at magpapalit lang ng damit sa kanyang sasakyan nang barilin siya sa ulo.

Dead-on-the spot ang biktima.

Mabilis na tumakas ang killer sakay ng isang traysikel.

Malinaw na konektado sa pulitika ang pangyayari dahil itinaon ito sa pangangampanya ni Mata.

Kung meron mang ibang mga motibo at iba pang mga sangkot sa krimen, malalaman natin sa mga susunod na araw.

KANDIDATONG KAGAWAD PINAGBABARIL

Patay naman ang dalawang kandidatong kagawad sa dalawang barangay sa Cotabato City, kabilang ang isang kasama nila.

Namatay sina Nur-Moqtadin Butucan, kandidatong kagawad sa Brgy. Rosary Heights 12, at alfar Singh Ayunan Pasawiran, kandidato naman sa Brgy. Kalanganan 2, at Faisal Abas, ng Kalangan 2.

Nasugatan naman sina Saipul Sapalon at Fajeed Daud na  mga kabarangay ni Pasawiran.

Makaraan silang pagbabarilin, nagkaroon pa ng mga putukan ng baril ngunit wala nang nakasaksi sa pangyayari dahil nagkanya-kanyang tago na ang mga naroroon sa lugar sa dilim ng gabi.

SHABU ISINASABAY

May mga kandidatong isinasabay ang pagpapalaganap ng shabu para sila kumita para sa pangangampanya?

Noong unang linggo ng Oktubre 2023, isang kagawad na kandidatong kapitan sa isang barangay sa Laoag City ang dinakma ng mga awtoridad sa pagbebenta ng shabu.

Sa Ligao City, Albay, isang kandidatong kagawad ang nasakote naman habang nakikipag-jamming sa mga adik noong ikalawang linggo ngayong buwan.

Bago naganap ang mga ito, may nauna nang mga pusher na mga kagawad o kanidatong kagawag sa iba pang mga lugar sa Pilipinas.

CAMPAIGN LEAFLETS CON SHABU

Isang lalaking namatay sa ospital sa Las Piñas City ang nakitaan naman ng shabu sa wallet nito at dala-dalang campaign leaflets ng isang kagawad sa Bacoor City, Cavite.

Mga shabu na naka-sachet ang nakadikit sa mga campaign leaflet at may mga address at ngalan pang pagdedeliberan sana.

Ang sabi ng Las Piñas police, ipapasa nila ang kaso sa Bacoor police dahil ang namatay ay dating barangay tanod ngunit nasibak dahil pa rin sa droga.

Bahala na umano ang Bacoor police sa kagawad na may leaflet con shabu.

MARUMI NA, MA-SHABU PA

Paisa-isa lang naman ang mga nabanggit na kaso ngunit hindi magandang tingnan, lalo’t dinudumihan at binababoy ang halalan na inaasahan nating makatutulong sa pagkakaroon natin nang matino at mapagsilbing pamahalaan.

Paano kung “tip of the iceberg” lang ang mga ito, lalo na ang problema sa shabu?

Kailangang ilapat nang istrikto ang mga batas at parusa sa mga sangkot sa nasabing mga krimen.

Previous articleSa gitna ng WPS collisions, MDT ‘wag munang pairalin  – AFP chief
Next articleBSKE tuloy sa katapusan ng Oktubre