Patong-patong na kaso vs hepe na nambugbog ng DENR workers

Patong-patong na kaso vs hepe na nambugbog ng DENR workers

July 1, 2020 @ 4:22 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Kinasuhan ng kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang sinibak na police director ng Puerto Princesa City dahil sa iligal na pag-aresto at pambubugbog sa walong (8) empleyado ng DENR noong Hunyo 10, 2020.

Kabilang sa mga kasong kinahaharap ni Colonel Marion Balonglong ang torture, unlawful arrest, slight physical injuries, obstruction of apprehension and prosecution of criminal offenders at graft and corruption.

Ayon sa DENR, nahaharap din si Balonglong sa kasong administratibo, tulad ng grave misconduct, grave abuse of authority, at conduct prejudicial to the best interest of the service at paglabag sa Republic Act 6317 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Nauna rito, nanawagan si DENR Secretary Roy A. Cimatu sa madaliang resolusyon ng naturang kaso at umaasa rin ito na hindi maaapektuhan ang relasyon at partnership ng DENR at ng Philippine National Police (PNP) partikular na sa pagpapatupad ng batas-pangkalikasan.

Sa 18 pahinang reklamo sa Ombudsman noong Hunyo 21, idinetalye ng DENR ang ginawang illegal arrest at pambubugbog ni Balonglong sa walong manggagawa na nakatalaga sa Community Environment and Natural Resources Office sa Puerto Princesa.

Nabatid sa ulat na ang walong empleyado ng DENR na kinabibilangan ng tatlong foresters, apat na forest rangers at isang forest protection officer ay kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up investigation sa mangrove area sa Sitio Bucana, Barangay Iwahig-Matahimik nang iligal na arestuhin ang mga ito ng mga pulis na nakasuot ng full battle gear na pinangungunahan ni Balonglong.

Ang imbestigasyon ay may koneksyon sa pagkakadiskubre noong Hunyo 7 ng illegal occupation at illegal mangrove cutting sa naturang lugar kung saan ay nakakumpiska ang DENR ng 73 piraso ng pinutol na mangrove trees, isang galvanized iron sheet at apat na drum containers.

Positibo ring itinuro ni Forest Ranger Roldan Alvarez si Balonglong na siyang sumipa at nananakit sa kanya habang nakadapa sa lupa na may nakatutok na baril at dumadaan sa full body search.

Bukod dito, inapakan din umano ni Balonglong ang ulo ni Alvarez habang ito ay nakasuot ng combat boots.

Bagama’t nagpakilala na at sinabi ang official mission ng DENR team kay Balonglong, dinala pa rin ang mga ito sa lugar na kanilang iniimbestigahan noong Hunyo 7 at pinaluhod umano si Alvarez ng mahigit isang oras habang ang mga kasama nito ay pinaupo sa isang sulok.

Matapos ito, dinala ang DENR team sa police station sakay ng tatlong PNP vehicle habang si Alvarez ay hiniwalay at inilulan sa isang puting van kasama si Balonglong at tatlo pang police officers.

Habang patungo sa police station, nilagyan umano ni Balonglong ng transparent cellophane ang ulo ni Alvarez hanggang maramdaman nito ang hirap sa paghinga.

Dahil dito ay napilitan si Alvarez na aminin ang possession ng construction materials na sinasabi ng opisyal na nawawala sa mangrove area.

Pinakawalan lamang ang DENR workers matapos ang mahabang pakikipag-usap ni CENR Officer Felizardo Cayatoc kay Balonglong na napilitan umanong lumagda sa dokumento na nagsasabing nasa maayos ang pangangatawan at pag-iisip ng mga inarestong manggagawa.

Base pa sa reklamo, kinakailangan ding panagutin si Balonglong sa paglabag umano sa guidelines at protocols para sa social distancing habang nasa state of emergency ang bansa dahil na rin sa COVID-19 pandemic. Santi Celario

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...