DALAWANG buwan ang nakalipas matapos maglabas ang korte ng mga warrant of arrest laban kina Gerald Bantag at Ricardo Zulueta, ang dating pinakamatataas na opisyal ng Bilibid na umano’y nasa likod ng pamamaslang sa matapang na broadcaster na si Percy Lapid (Percival Mabasa ang tunay na pangalan) noong Oktubre 3, 2022, nag-aalok ngayon ang Department of Justice ng P2-milyon pabuya sa makatutulong sa pagdakip kay Bantag at P1 milyon sa makapagtuturo kay Zulueta.
Panahon nang gawin ito, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. Pero mas naging kapaki-pakinabang sana ito para sa hustisya kung pinakilos mo ang National Bureau of Investigation para tugaygayan si Bantag noong mga panahong malaya pa siyang nakakagala, dumadalo sa mga pampublikong aktibidad gaya sa magkahiwalay na okasyon — ang isa ay dinaluhan pa nga ni Sen. Imee Marcos; habang ang Presidente naman mismo ang dumalo sa isa pa. Kung ginawa ito, nakatipid sana ang pamahalaan ng P2 milyon.
SAAN NA PERA?
Ibinunyag ngayong linggo ng bagong talagang si Health Secretary Ted Herbosa ang kanyang eight-point agenda, kung saan prayoridad niya ang pagpapatupad ng pangangalagang pangkalusugan para sa lahat. Bagama’t mainam ito, mistulang matagalang halukayan pa ng katotohanan ang kailangan tungkol sa hindi pagbibigay o atrasadong pamamahagi ng mga allowance para sa healthcare workers.
Nauna rito, hiniling ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte kay Herbosa na imbestigahan ang kinahinatnan ng P12.57 bilyon halaga ng COVID-19 allowances na ayon sa Department of Budget and Management ay ipinagkaloob na nito sa Department of Health ilang buwan na ang nakalipas.
Aakalain ng lahat na dahil sa kanilang buwis-buhay na serbisyo noong kasagsagan ng pandemya, matagal nang natanggap ng healthcare workers at maging non-healthcare workers ang kani-kanilang emergency allowance. Nakapanlulumong malaman na naghihintay pa rin pala ng kompensasyong karapat-dapat sa kanila ang mala-bayaning mga indibiduwal na ito, itinaya ang sarili nilang mga buhay mailigtas lang at mapanatiling malusog ang mamamayan.
Ang pahayag ng DBM na naibigay na nito sa DOH ang nabanggit na pondo ay nagdulot ng mas maraming katanungan kaysa kasagutan. Nasaan ang P12.57 bilyon balanse na dapat na ipamamahagi sa mga benepisyaryo nito? Paano naman ‘yung P1.94 bilyon halaga ng allowances na Oktubre 2021 pa pinakaaabangan ng aabot sa 20,000 healthcare workers, ayon sa United Private Hospital Unions of the Philippines?
Mr. Secretary, kung hindi mo matagpuan ang bultu-bulto ng perang ‘yan sa bakuran ng DOH, paano mo maisasakatuparan ang mas malaking misyon na malawakang ipatupad ang universal healthcare?
WEH? DI NGA?
Sa 14th Edition ng International Conference of Information Commissioners sa Pasay City, nangako si President Ferdinand Marcos Jr., na poproteksyunan ang Freedom of Information at ipagpapatuloy ang laban ng gobyerno kontra sa maling impormasyon at panloloko.
“Fake news should have no place in modern society,” sinabi ng Punong Ehekutibo nang ianunsiyo ang paglulunsad ng isang Media and Information Literacy Campaign bilang suporta sa FOI Program.
Nakaaaliw na marinig mula sa isang Marcos ang tungkol sa kahalagahan ng katotohanan at paglaban sa fake news. Para bang ganoon lang kadali para sa Pangulo na kalimutan ang diktadurya at kurapsyon na kanyang nakalakihan, na walang pagod ngayong ibinabaon sa limot ng kanyang administrasyon.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.