Home OPINION PATULOY NA PAGPATAY

PATULOY NA PAGPATAY

NAKAGIGIMBAL na kahit tapos na halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan, patuloy ang nangyayaring patayan sa mga  kandidato.

Noong Lunes ng hapon, isang barangay councilwoman o kagawad sa Pasay City ang binaril sa loob mismo ng barangay hall. Kinabukasan, pinatay rin ang isang barangay kapitan sa Panabo City, Davao del Norte at isang kagawad sa Antipas, Cotabato.

Noong Nobyembre 1, itinumba ang isang barangay kagawad sa Midsayap, Cotabato. Binaril siya ng kanyang pinsan malapit sa barangay hall.

Marami pang naunang pinaslang na kandidato dahil sa halalan. Dahil sa mga patayang ito, hiniling ng Commission on Elections sa Philippine National Police na protektahan ang mga nanalo, maging ang mga natalo sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.

Libu-libo ang kumandidato o tumakbo sa karera ng barangay at youth council kaya malaking hamon ang utos na ito sa PNP.

Libreng nakapagdadala ng baril ang mga kriminal na para bang walang kinatatakutan.

Tila hindi nauubusan ng armas ang mga kriminal gayong sinasabi ng PNP na marami silang nasamsam na iba’t ibang baril sa mga isinagawang checkpoint.

Hindi kaya kulang pa ang checkpoint at pagpapatrolya ng mga pulis?

Sa ganang akin, dapat ipagpatuloy at lalong higpitan ang checkpoints, lalo sa mga lugar na tinukoy bilang hotspot ng halalan.

Ang mga hakbang sa pagkontrol sa baril ay nangangailangan ng higit na paghihigpit, hindi lamang sa pamamagitan ng mga checkpoint kundi sa pamamagitan din ng mas malapit na pagsubaybay sa mga daungan at pamayanang may baybayin.

Ang mga baril, kasama na ang droga at iba pang kontrabando ay inilulusot sa lugar na may mga political warlord at ismagler.

Patuloy ding higpitan ang mga motorsiklo na ginagawang getaway vehicles ng mga kriminal.

Dapat gumawa ng mas mahigpit na polisiya upang mapadali ang pagkilala sa riding-in-tandem. Madali silang makapagtago nang pagkakikilanlan sa tulong ng helmet at jacket.

Tayo’y naniniwala na ang pinakamahusay na pagpigil sa krimen ay kung mahuhuli ang mga salarin at madadala sa hustisya.

Kung nais ng mga awtoridad na pababain ang antas ng karahasan, dapat madakma at maparusahan o madala rin sa hukay ang mga nasa likod nang pagpatay.

Previous articleLotto Draw Result as of | November 10, 2023
Next articleISANG HAMON KAY RAMOS-HORTA