Home NATIONWIDE Patuloy na pagtatayo ng Super Health Center, pinuri ni Bong Go

Patuloy na pagtatayo ng Super Health Center, pinuri ni Bong Go

MANILA, Philippines- Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ang pagpapalawak ng Super Health Centers sa Pilipinas.

Umapela rin si Go sa Department of Health (DOH) na tiyakin ang wastong pagpapatupad at ang makatarungang paggamit ng pondo na inilaan para sa pagpapatayo ng SHC.

Kasama sa pagpapalawak ang pagpopondo sa 132 bagong Super Health Centers ngayong taon bilang bahagi ng General Appropriations Act of 2024 na itinulak ni Go sa mga deliberasyon ng budget sa Senado bilang chairperson ng Senate Committee on Health at vice chairperson ng Committee on Finance. 

Ang nasabing bilang ay dagdag sa 307 at 322 na pinondohan na noong 2022 at 2023, ayon sa pagkakabanggit.

“Patuloy po akong tutulong sa pagpaparami ng Super Health Centers sa bansa sa abot ng aking makakaya,” tiniyak ni Go.

“Ang apela ko lang sa DOH, siguraduhing gamit ang pondo nang tama at hindi masasayang. Ipinaglaban nating mapondohan ang pagpapatayo ng Super Health Centers sa iba’t ibang sulok ng bansa. Sana naman ay maimplementa ito nang maayos at sa lalong madaling panahon ay mapakinabangan ng mga mahihirap. Para sa kanila ito,” paalala ni Go sa DOH.

“Ilapit natin ang serbisyo ng gobyerno sa kanila lalo na pagdating sa kalusugan. Tandaan natin ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Karapatan nila na makakuha ng serbisyong medikal mula sa gobyerno para mapangalagaan ang kanilang buhay,” apela pa ni Go.

Binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel na ginagampanan ng Super Health Centers sa pagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, medikal na konsultasyon, at maagang pagtuklas ng sakit sa mga mahihirap. Ang DOH ang pangunahing ahensya na responsable sa pagtukoy ng mga estratehikong lokasyon para sa mga sentrong ito at pagtiyak na natutugunan ang mga pangangailangan ng komunidad.

“Sa mga itinayo nang Super Health Centers, nakita namin kung gaano kalaki ang naitutulong nito sa komunidad lalo na sa rural areas. ‘Yun po ang layunin ng Super Health Centers, ang mailapit sa mamamayan ang serbisyong medikal ng gobyerno,” idinagdag ng mambabatas.

Binanggit ng senadora na ang libreng konsultasyon sa mga sentrong ito ay mapapadali sa pamamagitan ng pagtutulungan ng municipal health offices, local government units, at Philippine Health Insurance Corporation, sa ilalim ng Konsulta program nito. RNT

Previous articleAlex Eala silat sa opener ng Australian Open qualifiers
Next articleKita ng 2023 MMFF pumalo sa higit P1B