Home NATIONWIDE Patuloy na suporta sa senior citizens idiniin ni Bong Go

Patuloy na suporta sa senior citizens idiniin ni Bong Go

MANILA, Philippines – Inatasan ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang grupo para magbigay ng tulong sa mga senior citizen sa pagdiriwang ng “Elderly Week” na ginanap sa Barangay Mintal Gymnasium sa Davao City kamakailan.

May kabuuang 1,561 senior citizens ang dumalo sa event kung saan namahagi ang tanggapan ni Sen. Go ng grocery packs, mga kamiseta, sapatos, cellular phone, at bola para sa basketball at volleyball.

Binigyang-diin ni Go ang kanyang pagsuporta sa Republic Act 11916, o amyenda sa RA 7432 na magtataas ng monthly pension allowance ng senior citizens mula P500 hanggang P1,000.

Sa ilalim ng batas, ang buwanang stipend ay ibibigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa anyong cash, direct remittance, electronic transfer, o iba pang paraan ng paghahatid, alinman ang mas maginhawa sa benepisyaryo.

Higit pa rito, ang mga bayarin sa transaksyon o serbisyo sa paglalabas ng allowance sa target beneficiaries ay ililibre na rin.

Alinsunod sa pag-apruba ng Department of Budget and Management, ang Department of Social Welfare and Development ay aatasang mag-assess, at kung kinakailangan, dagdagan ang halaga ng social pension kada dalawang taon kapag ito ay naging ganap na batas.

“Kasama sa aking araw-araw na layunin ang magbigay ng suporta sa inyo, lalo na sa mga programa at serbisyong naglalayong mapaunlad ang inyong kalusugan at pagbabago ng inyong kinabukasan,” ayon kay Go.

“Nasa kultura na ng Pilipino na alagaan natin ang mga nakatatanda, kaya naman nakatutuwa po na binigyan ng importansya ng Senado ang pagbibigay ng dagdag na pensyon sa ating senior citizens,” anang senador.

Hinikayat din ng senador ang mga benepisyaryo na gamitin ang serbisyo ng Malasakit Centers sakaling kailanganin ang tulong medikal.

Ikinuwento ni Go ang kanyang mga karanasan sa pagtatrabaho sa mga mahihirap na pasyente sa Davao City noong alkalde pa si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Go ang pangangailangang tugunan ang kahirapan sa pananalapi na kinakaharap ng mga pasyente para makatanggap sila ng medikal na atensyon.

Upang matugunan ito, si Go, sa kanyang unang anim na buwan bilang senador, ay iniakda at inisponsoran ang panukalang batas na naging Republic Act No. 11463, o mas kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019.

Mayroon na ngayong 158 Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong na sa mahigit 7 milyong pasyente sa ngayon, ayon sa DOH.

Ang Malasakit Center sa Davao City ay matatagpuan sa Southern Philippines Medical Center (SPMC). Sa SPMC lamang, mahigit 200,000 pasyente na ang natulungan ng Malasakit Center.

Patuloy din ang pagsuporta ni Go sa pagtatayo ng mas maraming Super Health Centers (SHCs) sa buong bansa. Tinukoy ng DOH ang 11 strategic na lokasyon sa Davao City.

Upang makatulong sa pagpapabuti ng kalidad ng serbisyo publiko sa kanyang mga kapwa Davaoeño, sinuportahan din ni Go, vice chairperson ng Senate Committee on Finance, ang pagtatayo ng iba’t ibang multipurpose hall at mga lokal na kalsada, rehabilitasyon ng water system, drainage system at flood control structures sa iba’t ibang barangay sa buong lungsod, ang pagtatayo ng 300-bed capacity na gusali ng mga nakahahawang sakit para sa SPMC at ang pagkuha ng mga ambulansya.

“Palagi po natin unahin ang kapakanan ng ating mga mahihirap na kababayan lalo na po ang mga nakakatanda. Malapit po kami ni dating Pangulong Duterte sa senior citizens, kaya alam po natin kung gaano kahalaga na mabigyan sila ng suporta at atensyon,” idiniin ni Go. RNT

Previous articleSenate probe sa mass grave ng Bilibid, tututok na sa pagtakas ni Cataroja – Tolentino
Next articleMga bahay na sinira ng habagat, umabot na sa 86K