MANILA, Philippines- Pinalawig ng National Electrification Administration (NEA) ang P934.56 milyong loan hanggang katapusan ng Oktubre upang suportahan ang operasyon ng 24 electric cooperatives sa buong bansa sa layunin ng pamahalaan na matiyak ang full household electrification sa 2028.
Ayon sa NEA, attached agency ng Department of Energy (DOE) na nangangasiwa sa rural electrification, P449.71 milyon ang ginamit para pondohan ang capital expenditures ng tatlong electric cooperatives sa Luzon, lima sa Visayas at 10 sa Mindanao.
Samantala, nangutang naman ang walong electric cooperatives ng kabuuang P422 milyon para sa kanilang working capital.
Batay sa datos ng Accounting Management and Guarantee Department (AMGD) ng NEA, makikita rin na humiram ang Misamis Oriental I Rural Electric Service Cooperative Inc. ng P12.85 milyon para sa modular generator set nitp.
Ginamit naman ang natitirang P50 milyon para sa short-term credit facility loan ng Lanao del Norte Electric Cooperative Inc.
Regular na nag-aalok ang NEA ng financial assistance sa electric cooperatives sa pamamagitan ng Enhanced Lending Program nito.
Binubuo ang programa ng regular, calamity at concessional loans, stand-by at short-term credit loans, renewable energy at modular generator set loans.
Gayundin, iniulat ng AMGD na nalampasan na ng state-owned corporation ang P700 milyong loan release target nito para sa kasalukuyang taon. RNT/SA